June 20, 2025
Muling nagsama-sama ang mga kasaping miyembro ng Provincial Peace and Order Council o PPOC para sa isinagawang 2nd Quarter meeting noong ika-19 ng Hunyo 2025 sa Bulwagang Batangan, Provincial Capitol Building, Batangas City.
Pinangunahan ito ni Governor DoDo Mandanas, bilang chairperson ng nasabing konseho, kasama ang mga kawani ng Department of the Interior and Local Government (DILG) Batangas, na nagsilbi bilang secretariat.
Naging sentrong paksa pa rin sa pagpupulong ang regular na presentasyon ng Batangas Police Provincial Office (BPPO) ng Peace and Order Situational Report, kung saan kabilang dito ang follow-up report sa illegal drone sightings na naitala sa probinsya.
Kasama rin sa agenda ang paglalahad ng Insurgency Updates mula sa 59th Infantry Batallion ng Philippine Army, estado ng mga recent fire incidents na ibinahagi ng Bureau of Fire Protection – Batangas, at updates para sa Retooled Community Support Program (RCSP) ng DILG Batangas.
Inaprubahan din ng mga kasapi ng PPOC ang resolusyon na tumatalakay sa pagpapahayag ng pag-suporta ng konseho sa ginagawang pagsisikap ng pamahalaan ng bansa upang protektahan ang Maritime Zones sa West Philippine Sea (WPS).
Kaakibat ng pag-suporta ng konseho sa proteksyon ng WPS ay ang pagkilala at pagpapaganap sa Community Information Awareness Approach Program, na alinsunod sa inilunsad na programa ng Armed Forces of the Philippines na “Mulat Communication Plan.” Ang planong ito ay may layuning mapigilan at malabanan ang mga maling impormasyon patungkol sa WPS na tahasang ipinakakalat sa iba’t ibang social media platforms, at maitaas ang antas ng kamalayan ng publiko sa tunay na karapatan ng bansa sa nasabing teritoryo.
Dagdag pa rito, isa rin sa ipinasang resolusyon ng PPOC ang pagbibigay-direktiba at paghihikayat sa mga ahensya ng gobyerno at lokal na pamahalaan sa lalawigan na suportahan ang implementasyon ng 2025 National Crime Prevention Program ng National Police Commission.
Samantala, ginawaran naman ng Certificate of Appreciation si Gov. Mandanas bilang pagkilala ng buong konseho sa kaniyang naging masigasig na paglilingkod bilang tagapamuno ng PPOC sa loob ng nakalipas niyang tatlong termino, simula nang muling mahalal ito bilang punong lalawigan noong taong 2016.
Ayon sa gobernador, taos-puso ang kaniyang pasasalamat sa lahat ng naging katuwang sa pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan sa lalawigan. Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng patuloy na pagtutulungan upang matiyak na walang maiiwan sa pag-unlad ng Lalawigan ng Batangas.
✎: 𝙈𝙖𝙧𝙠 𝙅𝙤𝙣𝙖𝙩𝙝𝙖𝙣 𝙈. 𝙈𝙖𝙘𝙖𝙧𝙖𝙞𝙜, 𝗔𝗹𝗺𝗶𝗿𝗮 𝗕𝗮𝗹𝗲𝗿 / 𝗠𝗮𝗰𝘃𝗲𝗻 𝗢𝗰𝗮𝗺𝗽𝗼 – 𝘽𝙖𝙩𝙖𝙣𝙜𝙖𝙨 𝘾𝙖𝙥𝙞𝙩𝙤𝙡 𝙋𝙄𝙊