June 12, 2024
Kasing-init ng nagniningning na sinag ng araw ang ipinadamang pakikiisa ng mga Batangueño sa pagdiriwang at paggunita ng buong sambayanang Pilipino sa ika-126 taong Anibersaryo ng Kalayaan ng Pilipinas ngayong ika-12 ng Hunyo 2024, sa Marble Terrace, Capitol Compound sa Lungsod ng Batangas.
Sa pangunguna ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pangangasiwa ng Panlalawigang Tanggapan ng Turismo at Ugnayang Pangkultura (PTCAO), idinaos ang isang maikling programa sa Kapitolyo ng Batangas, na nahati sa tatlong bahagi at ginabayan ng tema ngayong taon na “Kalayaan, Kinabukasan, Kasaysayan.”
Sinimulan ang unang bahagi ng pagdiriwang sa pamamagitan ng paradang sibiko-militar, kung saan tampok ang mga magigiting na Kawal Pilipino o mga kasapi ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas, kasama ang iba pang mga unipormadong hanay sa Lalawigan ng Batangas at mga miyembro ng iba’t ibang sektor at organisasyon.
Kabilang sa mga nakilahok sa nasabing parada ang Philippine Army 59th Infantry Batallion, Naval Forces Reserve Southern Luzon, Philippine Air Force, Philippine National Police, Philippine Coast Guard, Bureau of Fire Protection, Philippine Army Reservists – 401st Community Defense Center, Boy and Girl Scouts of the Philippines, Batangas State University (BSU) ROTC, Batangas Chamber of Commerce, Natatas Symphonic Band, Batangas Province Scholarship and Educational Assistance Program Scholars mula sa BSU, Provincial Health Office, Provincial Social Welfare and Development Office, Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, at Provincial Assistance for Community, Public Employment, and Youth and Sports Development Office.
Bukod sa mga walking contingent, naging parte rin ng parade ang pagpapakita ng mga kagamitan, service vehicles, at operation assets ng mga nabanggit na tanggapan at ahensya.
Sumentro naman ang ikalawang bahagi ng pagtitipon sa paggunita sa kasarinlan ng bansa at pagbibigay-pugay sa watawat ng Pilipinas. Dito ay naghandog ng isang pagtatanghal ang BSU Dulaang Batangan para sa pagpapasinaya ng palatuntunan at makabayang pagsasadula.
Pinangunahan ni Governor Hermilando Mandanas, katuwang sina Vice Governor Mark Leviste at Provincial Administrator Wilfredo Racelis, ang pagtataas ng bandila ng Pilipinas, kasabay ng pag-awit ng Pambansang Awit ng bansa. Matapos ito, buong-paninindigan namang binigkas ni Vice Gov. Leviste, kaisa si Bb. Sanya Lopez ng Sparkle GMA Artist Center, ang Panunumpa sa Watawat ng Pilipinas.
Katulad ng nakaugaliang tradisyon, bilang sagisag ng pasasalamat at paggalang sa mga bayaning nagtanggol sa Pilipinas mula sa mga dayuhang mananakop, sinundan ang mga nabanggit na aktibidad ng pag-aalay ng bulaklak, na sama-samang pinangunahan nina Gov. Mandanas, Unang Ginang Atty. Angelica Chua-Mandanas, Vice Gov. Leviste, Provincial Administrator Racelis, Chief of Staff Ma. Isabel Bejasa, mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan, at mga puno ng tanggapan ng pamahalaang panlalawigan.
Nagkaroon din ng special performance si Kapuso Artist at The Clash 2023 Grand Champion John Rex para sa isang awiting nagbibigay-pugay sa kalayaang tinatamasa ng bansa.
Samantala, binigyang-diin naman ni Gov. Mandanas sa kaniyang mensahe ang pagsasabuhay sa diwa ng pagbabago upang patuloy na maisulong ang kaunlaran at tunay na kalayaan.
“Pagbabago tungo sa kaunlaran, pagbabago tungo sa tunay na kalaayan, sa kahirapan, sa pagkakasakit, sa pagkawala ng hanap-buhay, at mga pangangailangan na pang-araw-araw natin…ito ang tunay na kalayaan,” saad ng punong lalawigan.
Ipinunto rin ng Ama ng Lalawigan ng Batangas ang pakikiisa niya sa pagbibigay-diin ng kasalukuyang administrasyong Marcos sa pagkakaroon ng kalayaan na malaman ang tunay na kalagayan, kalayaan upang maipamalas at maipakita ang tunay na malasakit sa mga kababayan, at higit sa lahat ang kagitingan na maipagtanggol ang diwa at tunay na kalayaan ng bansa.
Itinanyag din ng gobernador ang kaugalian na taglay ng mga Batangueño, na aniya ay malaking bahagi ng kasaysayan ng bansa. Ayon sa kaniya, “na ang dakila at magiting na Lalawigan ng Batangas ay kung saan sumisibol, lumalago, namumunga ang tunay na diwang Pilipino – maka-Diyos, tunay na maka-kapwa-tao, makakalikasan, at wagas na pagmamahal sa ating bansa – na ipinakikita sa tunay na paglilingkod.”
Tila isang hamon naman ni Governor Mandanas sa lahat ng mga mga inihalal, mga pinili ng taumbayan na mag-lingkod na isabuhay ang tungkulin dahil aniya, “tayo [mga inihalal na opisyal ng pamahalaan] ang pinagkakatiwalaan, ang inaasahan, ang tunay na may pananagutan…upang magkaroon ng maganda at masayang buhay sa mahabang panahon. Ito ang pagbabago na ating itatala sa ating kasaysayan.”
Nagtapos ang maikli, ngunit puno ng diwa ng pagpapahalaga, pagkakaisa, at pagmamahal sa bayan, na programa sa ikatlong bahagi nito sa pamamagitan ng pagpapasinaya ng eksibit ni Ginoong Eric Punzalan sa gusali ng PTCAO na may pamagat na “Kulay Saliw ng Karilagan, Pamana, at Kalayaan.”
Mark Jonathan M. Macaraig / Photo: Karl Ambida, Junjun De Chavez, Francis Milla
Batangas Capitol PIO