Gov. DoDo, VGov. Mark Muling Pinagtibay ang Pagtutok sa Health Care, Economic Recovery

Batangas Capitol, Nakiisa sa Pagdiriwang ng 121st Civil Service Anniversary
September 25, 2021
Conservation Fee Scheme ng Mabini at Tingloy, Ibinahagi sa Online Training-workshop
September 26, 2021

September 25, 2021

Serbisyo Publikong Walang Iwanan, Pahayag ng Kapitolyo

Muling pinagtibay nina Gov. DoDo Mandanas, katuwang sina Vice Gov. Mark Leviste at mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan, ang kanilang pagtutok sa napagkasunduang programa, proyekto at aktibidad na nakapaloob sa Executive Legislative Agenda ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas sa isang simpleng pagtitipon sa Provincial Auditorium, Capitol Compound, Lungsod ng Batangas noong ika-24 ng Setyembre 2021.

Nagkaroon din ng ceremonial turnover ng mga ipinasang ordinansa at resolusyon ng Sangguniang Panlalawigan sa Tanggapan ng Gobernador, na nagpapakita ng magkatuwang na pagkilos ng dalawang sangay ng pamahalaang panlalawigan tungo sa pagpapalakas ng health care system, at economic at livelihood recovery ng lalawigan, matapos ang pagputok ng Bulkang Taal at ang umiiral na pandemya, na sinaksihan ng mga Board Members at department heads.

Sa mensahe ni Gov. Mandanas, ipinaabot niya na kasama ng bawat Batangueño ang pamahalaang panlalawigan sa samahang walang iiwanan, at, sa kabila man ng hirap, ay patuloy na kikilos upang makabangon at umunlad.

Pinasalamatan din niya ang lahat ng mga kawani ng pamahalaang panlalawigan, na tinawag niyang mga kabalikat at frontliners sa paglilingkod sa bayan.

Binigyang-diin ni Gov. Mandanas na, dahil sa napipintong pagtaas ng pondo ng lahat ng mga pamahalaang lokal sa buong Pilipinas sa 2022, kung kailan sisimulan na ang implementasyon ng Mandanas Ruling o ang pagkakaroon ng mga LGUs ng kabahagi sa lahat ng nakokolektang pambansang buwis, kinakailangang matutukan na ang mga indibidwal na manunungkulan ay iyong mga totoong magpapaganap ng kanilang tungkulin at gagamitin sa tama ang budget ng gobyerno upang makatulong sa napakaraming may sakit at nagugutom ngayon.

Ibinahagi niyang malapit nang masimulan ang pamamahagi sa mga barangay ng Multi-Purpose Vans at Multi-Purpose Vessels para sa mga island barangays. Bibigyan din ng mga computers ang lahat ng mga barangay, na katuwang ng paglalagay ng free internet dito.

Sa paglaki rin ng budget para sa personal service, isinaad ng gobernador na ang mga casual employees ay mabibigyan na ng item position o magiging regular, bilang pagtugon sa isyu ng “endo” o short-term employment na mayroon lamang na panandaliang kontrata. Samantala, imumungkahi rin daw ng gobernador na doblehin ang daily rate ng mga job order staff sa Kapitolyo.

Itatakda rin, saad ni Gov. Mandanas, ang paglalaan ng karagdagang pondo para sa educational assistance program at pagtataas ng allowance ng mga barangay volunteer workers, na direktang katuwang ng pamahalaan sa implementasyon ng mga proyekto sa bawat komunidad.

Kabilang naman sa tinututukan sa larangan ng livelihood program, ang nakakasang pagpapatayo ng food port at food terminal na magbubukas ng maraming trabaho, at ang patuloy na pakikipag-ugnayan sa agricultural agencies para sa pagpapalakas pa ng mga proyekto at aktibidad sa larangan ng agrikultura at livestock industry.

V. Altar – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.