Gov. Dodo, SMC’s RSA Lumagda sa Joint Venture Agreement para sa ₱45-B Nasugbu-Bauan Expressway

Water Sampling, Monitoring sa Isla Verde, Isinagawa ng PGENRO
March 23, 2023
Invitation to Bid – Goods (April 12, 2023)
March 24, 2023

March 23, 2023

Nilagdaan noong araw ng Miyerkules, ika-22 ng Marso 2023, ang ₱45-Billion road network project, na may habang 61-kilometro, sa pamamagitan ng joint venture sa pagitan ng gobyerno at pribadong sektor sa Lalawigan ng Batangas.

Sa Memorandum of Agreement, na personal na pinirmahan nina Batangas Governor DoDo Mandanas at San Miguel Corporation (SMC) President and Chief Executive Officer Ramon S. Ang sa Balayan Municipal Hall, nakatakdang isagawa ang Nasugbu-Bauan Expressway (NBEx), na magpapabilis sa biyahe mula sa mga bayan at lungsod ng Unang Distrito ng lalawigan, patungo sa international at local ports ng Lungsod ng Batangas at Bauan.

Sa mensahe ng gobernador, nagpaabot ito ng pasasalamat sa SMC, ang pinakamalaking Philippine multinational conglomerate company, dahil sa malaking oportunidad na idudulot ng nasabing road network sa kaunlaran ng mga bayan sa Unang Distrito ng Batangas. Kasamang pinasalamatan ng gobernador ang mga lokal na opisyal na naging katuwang sa pagsasakatuparan ng proyektong ito.

Samantala, binigyang-papuri ni Ginoong Ang si Gov. Mandanas dahil sa kaniyang pagbibigay prayoridad sa magiging pakinabang ng proyekto sa mga Batangueño. Ang NBEx ang kauna-unahang joint venture na nilahukan ng SMC kung saan 70% ng kikitain ay mapupunta sa lokal na pamahalaan upang makatulong na mapalago ang ekonomiya at mapabuti ang pamumuhay at ikinabubuhay ng mga Batangueño.

Ayon sa SMC, inaasahang matatapos ang tollway sa loob ng 48 buwan, at paiigsiin ang kasalukuyang 1.5 oras na biyahe mula Nasugbu patunggong Bauan hanggang 45 minuto.

Nakibahagi rin sa aktibidad sina Vice Governor Mark Leviste, SMC Senior Vice President at SMC Infrastructure Head Lorenzo G. Formoso III, 1st District Congressman Eric Buhain, Ist District Board Members Junjun Rosales at Armie Bausas, 2nd District Board Member Arlene Magboo, 5th District Board Members Arthur Blanco at Claudette Ambida, Board Member Willy Maliksi, Provincial Administrator Wilfredo Racelis, Chief of Staff Ma. Isabel Bejasa, former Provincial Administrator Levi Dimaunahan, mga department heads ng Kapitolyo at mga punong bayan at opisyal sa Unang Distrito ng lalawigan.

Eric Arellano / Gian Marco Escamillas – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.