Gov. DoDo, Muling Nanumpa sa Ika-anim na Pagkakataon Bilang Gobernador ng Batangas

Batangueñong Iskultor, Kinilala ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas
June 29, 2022
Inagurasyon ng mga Bagong Myembro ng Sangguniang Panlalawigan ng Batangas 2022-2025
July 5, 2022

July 5, 2022

Milestone Accomplishments ng H.E.L.P. Program ni Gov. DoDo, Itinampok

OATH-TAKING 2022. Muling nanumpa sa tungkulin si Governor DoDo Mandanas bilang Local Chief Executive ng Lalawigan ng Batangas noong ika-30 ng Hunyo 2022, sa Regina R. Mandanas Memorial DREAM Zone sa Lungsod ng Batangas. Pinangunahan ni dating Supreme Court Associate Justice at ngayo’y Judicial Integrity Board Vice Chairperson Angelina Sandoval-Gutierrez ang naging oath-taking ni Gov. Mandanas, kung saan tumayong saksi ang kaniyang mga kapatid, kasama si Provincial Government of Batangas Chief of Staff at Provincial Information Officer Maria Isabel Bejasa.
✎Mark Jonathan M. Macaraig/Photo: Eric Arellano – Batangas Capitol PIO

Napuno ng pasasalamat, pagkakaisa, at pag-asa ang isinagawang muling panunumpa ni Governor Hermilando “DoDo” Mandanas bilang gobernador ng Lalawigan ng Batangas noong ika-30 ng Hunyo 2022 sa Regina R. Mandanas Memorial DREAM Zone sa Lungsod ng Batangas.

Nanumpa si Gov. Mandanas sa harap ng tubong Alitagtag, Batangas na si dating Supreme Court Associate Justice at ngayo’y Judicial Integrity Board Vice Chairperson Angelina Sandoval-Gutierrez, na sinaksihan naman ng kaniyang mga kapatid, kasama si Provincial Government of Batangas Chief of Staff at Provincial Information Officer Maria Isabel Bejasa.

Ginanap din sa naturang seremonya ang opisyal na panunumpa ni Vice Governor Mark Leviste at mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan, na pinangasiwan naman ni Gov. Mandanas.

Pasasalamat sa Patuloy na Suporta ng mga Batangueño

Inumpisahan ang ginanap na oath-taking ceremony sa papamagitan ng isang banal na misa o dakilang pag-aalay ng pasasalamat sa Diyos, na pinangunahan ni Monsignor Alfredo Madlangbayan. Sinundan ang misa ng procession of elected officials, kung saan kabilang dito ang mga nahalal sa pwesto ng pagka-gobernador, bise-gobernador, hanggang sa mga nagwagi at uupong miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ng Batangas.

“Malaki ang pasasalamat ko sa sambayanang Pilipinong Batangueño, na muli, sa ika-anim na pagkakataon ay binuksan ninyo ang pinto ng tanggapan ng governor para makapasok ang inyong lingkod.”

Ito ang naging unang bahagi ng mensahe ni Gov. Mandanas sa kaniyang talamputi para sa bawat isang batangueño na nagpakita ng patuloy na pagsuporta at pagtitiwala sa kaniyang liderato bilang punong lalawigan sa nakalipas na anim na taon mula nang mahalal muli ito noong taong 2016.

Matatandaan, na sa nagdaang May 9, 2022 election, nakakuha ang gobernador ng mahigit sa 900,000 na boto, na may lamang na mahigit sa 500,000 na boto mula sa kaniyang katunggali, patunay sa pagpili ng nagkakaisang mga Batangueño sa tapat na serbisyo at subok nang paglilingkod ni Gov. Mandanas.

Ito na ang ika-anim na termino ni Gov. DoDo Mandanas, sa kabuuan ng kaniyang panunungkulan bilang ama ng lalawigan, na nagsimula noong 1995-2004 at 2016, na magtatapos naman sa taong 2025.

Pagkakaisa at Magkabalikat na Pagbibigay-serbisyo sa Publiko

“Napakahalaga ng patuloy na pagkakaisa at pagtutulungan ng mga kabalikat sa Pamahalang Panlalawigan ng Batangas, gayundin sa Sangguniang Panlalawigan.”

Ito ang pinunto ni Governor DoDo Mandanas sa kaniyang mensahe tungkol sa pagkakaisa, na siya ring naging sentrong-paksa ni Vice Governor Mark Leviste.

Ipinabatid ng dalawang opisyal na ang pagkakaroon ng pagkakaisa o togetherness sa paglilingkod ay siyang naging susi para mas lalong tumibay ang pagsasama ng ehekutibo at lehislatibong sangay ng pamahaalan, na siya ring nagdala ng mga kapaki-pakinabang na mga inisyatibo para sa mga batangueño.

Kaugnay nito, naging bahagi ng idinaos na seremonya ang pagtatampok ng milestone accomplishments ng Mandanas Administration sa nakalipas na anim na taon. Sumentro ito sa mga mahahalagang adbokasiya at programa, na nabigyang-katuparan sa ilalim ng governance thrust na H.E.L.P. Program (Health, Education, Livelihood and Protection of Life, Property and Environment).

Dito ay ibinahagi ng gobernador ang kaniyang pagsisikap, katuwang ang bawat miyembro ng Batangas Local Health Board, at maging ng kaniyang namayapang kabiyak na si Atty. Gina Reyes-Mandanas, upang maisabuhay ang isinasaad sa Universal Health Care (UHC) Law o pagkakaroon ng dekalidad at libreng healthcare services para sa mga Batangueño.

Ayon kay Gov. Mandanas, malaki na ang ipinagbago ng health system ng lalawigan. Mula aniya sa itinaas nang honorarium na natatanggap ng mga Barangay Health Workers at Barangay Nutrition Scholars, mga naipaayos o na-rehabilitate na district hospitals ng probinsya, naipatayong mga bagong health facilities, tumaas na bed capacity, hanggang sa upgrading at advancement ng mga medical equipment.

Buong-pagmamalaki namang iniulat ng gobernador ang kaniyang ginawang pagtutok sa larangan ng edukasyon, kung saan batay sa huling datos ng Scholarship Division ng Office of the Provincial Governor, napalawig pa ang pagpapaabot ng educational assistance para sa mga iskolar ng lalawigan, na umabot na sa mahigit 107,000 scholars buhat aniya ng siya ay muling manungkulan bilang punong lalawigan noong 2016. Sa nasabing bilang, mahigit pa sa 41,000 ang aktibong iskolar o kasalukuyang tumatanggap ng tulong pang-edukason, Bukod sa iba’t ibang paaralan mula sa college hanggang doctorate level, kabilang din sa scholarship program ng probinsya ang mga mag-aaral mula sa hanay ng Special Education Classes at maging mga estudyante ng Batangas Province High School for Culture and Arts at Batangas Province Science High School.

Sa livelihood, tinugunan ng iba’t ibang tanggapan ng pamahalaang panlalawigan ang mga pangangailangan ng mga batangueño pagdating sa pagkakaroon ng hanapbuhay o pagkakakitaan. Sa nakalipas na mga taon, umagapay ang kapitolyo sa mga kooperatiba sa lalawigan sa pamamagitan ng pagkakaloob ng cooperative loan assistance, individual livelihood assistance, agri-based livelihood projects, at mga pagsasanay.

Highlight din ng accomplishment ng Mandanas Administration, ang pagkakadeklara kamakailan ng Department of Agriculture bilang gateway ng agri-industrial business corridor ng bansa. Naging maagap ang lalawigan sa modernisasyon sa sektor ng agrikultura kung kaya at nagkaroon nang agarang industrial approach o pagkakaroon ng mga major agriculture infrastructures at equipment ang probinsya, na nagdala sa estado bilang isang highly agri-industrialized province ang batangas.

Sinubok man ang lalawigan ng pagputok ng Bulkang Taal at pandaigdigang pandemya dulot ng COVID-19 virus, subalit hindi ito naging balakid upang maisagawa ang mga nararapat na proyekto at mga pagawain na naging dahilan upang mapabilang sa top rich provinces ng bansa ang probinsya ng Batangas.

Tumutugon ito sa mga infrastructure projects na ipinatayo at isinagawa ng pamahalaang panlalawigan tulad ng pagpaparami ng school buildings, pagkakaroon ng maayos na farm-to-market roads, pagpapatayo ng mga multi-purpose covered court, paglalagay ng street lighting system sa mga barangay, at pagsasaayos ng water supply system.

Binigyang-diin din ni Governor Mandanas ang mga tulong na naipaabot ng lalawigan sa larangan ng kagalingan at pagpapaunlad ng lipunan at pagpapahalaga sa iba’t ibang sektor ng komunidad tulad na lamang ng mga senior citizen, kabataan, child development workers, persons with disability, mga miyembro ng LGBTQ+ community, kababaihan, at mga maging mga overseas Filipino workers na naapektuhan ng pandemya.

Bahagi rin sa pinag-ibayo sa nakalipas na mga termino ng gobernador ang mga programa na nakahanay sa protection and enhancement of life, katulad ng pagpapalakas ng teknolohiya at komunikasyon, disaster preparedness, at ang pangangalaga sa kalikasan.

Pag-asa para sa Susunod na mga Taon

Naging-daan din ang panunumpa sa tungkulin ng mga opisyal ng lalawigan ng Batangas upang mailahad ng gobernador ang patuloy na pagkakaroon ng pag-asa, sa tulong ng kaniyang naipanalong kaso sa Korte Suprema. Aniya, ang Mandanas Petition o Mandanas Ruling ay patuloy pa rin niyang ipinaglalaban, katulong ang bagong administrasyong Marcos, para maaayos itong maipaganap at magkaroon ng full-implementation.

Pagbabahagi pa ng gobernador na malaki ang pag-asa ng pag-unlad at pagpapalakas ng mga serbisyo at programa ng mga pamahalaang lokal sa bansa dahil sa pagtaas ng kabahagi ng mga ito sa national taxes o nalilikom na buwis.

“Makatulong sa buong pilipinas, maging magandang halimbawa, matuwid, may kakayahan, may puso, at meron ding tapang na ipaglaban ang tama,” pagsasambit ni Governor Mandanas sa tuloy na laban niya sa maayos na mplementasyon ng naturang Supreme Court Ruling.

Samantala, sa bisa naman ng ipinasang resolusyon ng Sangguniang Panlalawigan, sa pangunguna ni Vice Governor Mark Leviste, katuwang ang mga Board Members ng probinsya, nagkaroon ng simbolikong pagbabago sa pangalan ng itinayong Disaster Risk Evaluation Alleviation Mitigation Zone o mas kilala sa tawag na DREAM Zone, na matatagpuan sa loob ng Kapitolyo sa Lungsod ng Batangas.

Dito ay ipinagbigay-alam nina Governor DoDo Mandanas at Vice Gov. Leviste na tatawagin na ito bilang Regina R. Mandanas Memorial DREAM Zone, kung saan layunin na kilalanin ang naging ambag ng namayapang kabiyak ng gobernador sa iba’t ibang larangan.

Si Atty. Gina Reyes-Mandanas ang nagtulak ng adbokasiyang “Libreng Pagamot” para sa lahat, lalo na sa mga higit na nangangailangan, dahilan upang siya ay lumahok at isulong ang AnaKalusugan Party-list. Bukod dito, aktibo rin siyang nakilahok sa mga inisyatibong pangkaunlaran ng probinsya at pagsusulong ng mga programa para sa kababaihan.

“Ito [DREAM Zone] ngayon ay hindi na lamang nagbibigay-tulong para sa kalusugan, sa sakuna, kung hindi magiging simbolo at patotoo na ng ating pagtulong at pagmamalakasakit sa kapwa, pagnanasa [upang ang] lahat ay magkaroon ng magandang buhay,” saad ni Gov. Mandanas.

Mark Jonathan M. Macaraig – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.