June 1, 2022
Taos-pusong pinasalamatan at binigyang-pagkilala ng buong pamunuan ng Pamahalaang Bayan ng Balete si Batangas Governor DoDo Mandanas para sa kaniyang naging matagumpay at makasaysayang pagsusulong ng iniakdang petisyon, na kinatigan at pinagtibay ng Korte Suprema at mas kilala ngayon sa buong bansa bilang Mandanas Ruling.
Personal na iginawad nina Balete Mayor Wilson Maralit at Vice Mayor Alvin Payo, kasama ang mga konsehal ng nasabing bayan, ang Plaque of Appreciation kay Governor Mandanas noong ika-30 ng Mayo 2022 sa DREAM Zone, Capitol Compound, Batangas City, kaalinsabay ng lingguhang pagpupugay sa bandila ng Pilipinas ng Pamalaang Panlalawigan ng Batangas. Ang pagkilala sa gobernador ay pinagtibay rin ng isang resolusyon na ipinasa ng buong Sangguniang Bayan ng Balete.
Sa ilalim ng Mandanas Ruling, tataas ang pondong batayan ng National Tax Allocation na magbibigay sa mga lokal na pamahalaan ng pagkakataon na mabilisang maipatupad ang mga kinakailangang proyekto, lalo na ang mga basic services sa bawat lokalidad.
Sa naging panayam kay Mayor Maralit ng B’yaheng Kapitolyo, ang official radio program ng pamahaalang panlalawigan, napakalaking tulong aniya ng Mandanas Ruling para sa mga Local Government Units lalo na sa kanilang mga kababayan sa bayan ng Balete. Nabanggit niya na nadagdagan ang kanilang budget ng ₱33 Million na malaking tulong sa pagpapatupad ng mga pending projects ng kanilang munisipalidad. Isa sa mga pangunahing plano ng naturang bayan ay ang pagkumpleto sa kanilang new municipal building upang maipatupad ang inaasahang paggamit ng old municipal building bilang isang district hospital.
Kasabay ng ginanap na recognition activity, pinangunahan ni Governor Mandanas ang oath-taking ceremony ng mga bagong halal na opisyal ng Pamahalaang Panlungsod ng Sto. Tomas na kinabibilangan nina Mayor Arth Jun Marasigan at Vice Mayor Cathy Perez, kasama ang mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod.
Batangas Capitol PIO