November 6, 2024
Pinamunuan ni Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (BPDRRMC) Chairperson, Governor Hermilando Mandanas, ang idinaos na Emergency Meeting ng naturang konseho kaugnay pa rin sa pagtalakay sa kasalukuyang sitwasyon ng Lalawigan ng Batangas, halos dalawang linggo ang nakalilipas nang manalasa ang Bagyong Kristine at mag-iwan ng matinding epekto at bilyong halagang pinsala sa iba’t ibang lugar sa probinsya.
Isinagawa ang pagpupulong sa Bayan ng Talisay noong ika-5 ng Nobyembre 2024 at dinaluhan ng mga PDRRMC members mula sa mga lokal na pamahalaan, national agencies, at ilang mga pampubliko at pribadong organisasyon.
Sitwasyon ng Lalawigan ng Batangas
Batay sa huling datos na iprinisenta ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), 59 ang naiulat na nasawi o casualties, habang 12 ang nawawala matapos ang naging paghagupit ni Bagyong Kristine.
Mayroon namang 18,615 na mga pamilya o may katumbas na 79,203 na mga indibidwal ang nananatiling na-displaced o pansamantalang lumikas at nasa mga evacuation centers pa o hindi kaya naman ay nasa kani-kanilang mga kamag-anak. Sa buong probinsya, may 51 evacuation centers o open camps pa ang patuloy sa operasyon.
Naitala rin sa report ang bilang ng mga nasirang tahanan, kung saan 5,298 dito ay totally-damaged at 40,575 ang partially-damaged.
Ibinahagi rin sa meeting ang ilang reported damages sa iba’t ibang sektor na naapektuhan ng nagdaang kalamidad, na umaabot na sa mahigit ₱2.9 Bilyon na total estimated cost of damages.
Patuloy na pagtutulungan, pagbangon, at pagbibigay pag-asa
“Dahil tayo ay nasa State of Calamity…[aalamin natin] kung nasaan na tayo ngayon, kung ano ang ating gagawin, ang mahalaga ay tayo ay hindi magsisisihan, tayo ay magtutulungan.”
Ito ang naging pambungad na mensahe ni Governor Hermilando Mandanas sa nasabing pagpupulong, na taos-pusong nagpasalamat sa lahat ng mga kabalikat na nagbigay ng kani-kanilang mahalagang serbisyo, donasyon, suporta sa dinalang epekto ng Bagyong Kristine sa maraming mamamayan ng lalawigan.
Kaugnay nito, isa sa mga itinanging kuwento ng pag-asa, kabayanihan, at inspirasyon sa pagpupulong ang naging makabuluhang pagtulong at pagtugon ni Municipal DRRM Office rescuer Edwin Mendoza, mula sa Bayan ng Balete, noong panahon ng kalamidad.
Si Mendoza ay namatayan ng mga kapamilya habang tumutulong sa mga kababayan, na ayon kay Gov. Mandanas ay marapat lamang gawaran ng pagkilala, bilang bahagi ng halimbawa ng paghahatid ng pag-asa. Dito ay binigyan si Mendoza ng Plake ng Pagkilala, pinansyal na rekognisyon, at pinansyal na tulong para sa mga kapamilyang namatay.
Bukod dito, ipinarating naman ni AnaKalusugan Representative, Congressman Ray Reyes, na handa ang Kongreso na magpaabot ng tulong sa mga apektadong lugar. Ayon sa kaniya, maaari aniyang lumapit sa iba’t ibang AnaKalusugan Centers sa probinsya upang mabilis na matugunan ang mga pangangailangan ng mga lokal na pamahalaan sa lalawigan.
Naging parte rin ng pag-uulat sa harap ng mga miyembro ng PDRRMC ang mga naging pag-aksyon at patuloy na ginagawang pagsisikap ng mga bumubuo ng response clusters ng probinsya, na sumasaklaw sa pagpapaabot ng tulong at suporta sa larangan ng food and non-food items, law and order, camp coordination and camp management, search, rescue and retrieval, logistics, health and water, sanitation and hygiene (WASH), at management of the dead and missing.
Kasama rin sa ulat ang mga isinagawang operations and efforts ng Provincial Unified Command Incident Management Team, tulad ng clearing, search, rescue, retrieval, relief distribution, provision of water filtration system and emergency telecommunications assistance, at pagsasagawa ng Rapid Damage Assessment and Needs Analysis (RDANA).
Para sa isang Batangas na “Handa, Ingat, at Magiting”
Nagbigay-pagkakataon ang emergency meeting upang masinsinang mapagtalakayan ang kahandaan ng probinsya sa mga susunod pang mga sakuna o kalamidad, partikular ang pagtama ng bagyo at mga dalang epekto nito.
Isa rito ang muling pagpapabatid sa pagsunod sa guidelines pagdating sa kung kailan isasagawa ang forced at pre-emptive evacuation. Naging layunin din ng talakayan na mapag-usapan ang pagkakaroon ng mas matibay pang evacuation procedures at warning systems ang bawat mga lokal na pamahalaan.
Katuwang ang Department of the Interior and Local Government Batangas, nabuksan ang mungkahi sa pagbuo ng isang lokal na ordinansa, batay sa kaakibat na hazards o risk na mayroon ang isang bayan o lungsod, upang maayos na maipaganap ang paglikas at nang sa gayon ay maiwasan ang pagkamatay o pagkakaroon ng mga casualties.
Kasama rin sa mga isinusulong na hakbang ang pagtukoy sa kakulangan ng ilang lugar sa mga designated evacuation centers, kung saan nakapaloob o kabilang dito ang pagbibigay ng mga pangunahing pangangailangan, tulad ng pagkain, tubig, higaan at iba pa, at tiyakin na ang mga evacuees ay may sapat na suporta, lalo na sa mga maliliit na bayan kung saan ang mga resources ay kadalasang limitado.
Pinahayag naman ng gobernador na ang mga bayan o lungsod na nangangailangan ng karagdagang tulong ay susuportahan ng lalawigan. Ang mga kakulangan naman ng lalawigan ay agarang ihihingi ng tulong sa mga pang-nasyunal na ahensya. Sa ganitong paraan, magiging mas organisado ang sistema sa pagtugon sa kalamidad.
Panawagan sa DENR, sa wastong pangangalaga ng Taal Volcano Protected Landscape
Muli ring ipinunto ni Governor Mandanas ang umiiral na Republic Act No. 11038 o ang Expanded National Integrated Protected Areas System (E-NIPAS) Act of 2018, na sumasaklaw sa pangangalaga ng Taal Volcano Protected Landscape at sumasakop sa halos mahigit 62,000 ektarya o halos mahigit sa 20% ng buong land area ng Batangas.
Nanawagan ang gobernador sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), bilang pangunahing ahensya na may direktang superbisyon sa mga identified protected areas, na gampanan nito ang kanilang tungkuling matugunan at mabigyan ng pansin ang mga pangangailangan ng probinsya, lalo’t higit sa dredging ng Pansipit River.
Bilang hakbang, ipinahayag rin ni Governor Mandanas na siya ay personal nang sumulat kay Pangulong Bongbong Marcos para mabigyan na rin aniya ng tugon at karampatang aksyon ng DENR ang kinakailangang pagsasagawa ng dredging. Ang proseso ng dredging ay inaasahang magpapabuti sa daloy ng tubig sa nabanggit na ilog, na ayon kay Gov. Mandanas ay tunay na kinakailangan dahil na rin sa iniwang pinsala o makakapal na putik na bumalot dito matapos pumutok ang Bulkang Taal noong taong 2020.
Dagdag pa ng gobernador, naipaganap na niya noong siya ay muling maupo bilang punong lalawigan noong taong 2016 ang dredging sa Pansipit River, napasimulan noong taong 2017, ngunit ito ay nahinto dahil sa implementasyon ng E-NIPAS Act of 2018.
Samantala, nagsilbing host Local Government Unit ng naturang emergency meeting ang Pamahalaang Bayan ng Talisay, sa pangunguna ni Mayor Nestor Natanauan. Nakiisa rin sa pagtitipon sina Vice Governor Mark Leviste, PDRRMO chief, Dr. Amor Calayan, ilang mga Local Chief Executives sa Batangas, mga department heads ng pamahalaang panlalawigan, uniformed personnel, at mga miyembro ng media.
✎: Mark Jonathan M. Macaraig & Kristal Cabello / 📷: Karl Ambida – Batangas Capitol PIO