Digital Shift at Information and Technology, Isusulong sa Mabilisang Pagtugon Laban sa COVID-19

Batangas Evacuation Center Groundbreaking sa Ibaan, Isinagawa
April 15, 2021
Invitation to Bid (May 5, 2021)
April 16, 2021

April 16, 2021

Dalawang mahalagang punto ang pinagtalakayan sa pinagsamang pulong ng Batangas Inter-Agency Task Force at Batangas Provincial Health Board nitong ika-12 ng Abril 2021 sa Kapitolyo na lalong magpapalakas sa inisyatibo ng lalawigan upang labanan ang mabilisang pagkalat ng COVID-19 virus.

Kaharap ang mga miyembro ng mga konseho, binigyang direktiba ni Batangas Governor Hermilando “DoDo” Mandanas na simulan nang balangkasin ang digital shift ng pamahalaang panlalawigan sa pagtugon sa serbisyo publiko, ganun din ang pagpapaganap ng epektibong Integrated Health Management, sa ilalim ng Universal Health Care Act, para tugunan ang mga medikal na pangangailanagan ng mga Batangueño.

Ayon kay Gov. DoDo, napapanahon na upang gamitin ang bentahe ng digital platform sa pagtugon sa mga transaksyon at pangangailangan sa panahon ng New Normal.

Nakapaloob sa nasabing digital shift ang pagkakaroon ng mga transaksyon at pakikipag-ugnayang medikal o tele-medicine, pati na rin sa pag-nenegosyo at pampublikong transaksyon o tinatawag na e-commerce para sa banking and finance, public and private transactions, utilities at mga pag-angkat ng pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan sa araw-araw.

Sa ganitong paraan umano mababawasan ang pangangailangang lumabas at pakikisalamuha ng publiko sa iba’t ibang lugar at maiiwasan ang pagpapasahan ng dokumento at pera na kabilang sa mga tinitingnang sanhi ng pagkalat ng COVID-19 virus.

Patunay nito ang malaking bilang ng mga kawaning tinamaan ng virus sa finance at social welfare departments ng Kapitolyo kamakailan dahil ang mga ito ang personal na nagpapaabot ng tulong sa mga nangangailangang kababayan.

Sa ilalim ng Integrated Health Management, inatasan nito ang Batangas IATF at Provincial Health Board na magtayo ng 24-hour command center na tutugon sa mga pangangailangan at katanungan ng publiko at local government units ukol sa pagtugon nila sa pandemya sa kanilang mga lugar.

Ang nasabing center ay pamumunuan ng Provincial Health Office, kasama ang mga attached agencies upang magbigay impormasyon sa mga malalaking isyu, kabilang ang hospital transfer, coordination sa pagitan ng mga ospital at isolation facilities, medical inquiries at vaccine roll-out sa lalawigan.

Inatasan din ni Mandanas ang Provincial Health Board na magkaroon ng koordinasyon sa mga namamahala ng mga temporary treatment and isolation facilities para sa pagkakaroon ng Mental Health Program na titingin sa kalagayang pang-kaisipan at emosyonal ng mga COVID patients na dumadaan sa matinding mental stress and depression.

Ang mga pamamaraan na ito umano, gamit ang information technology, iba pang mga makabagong teknolohiya, at pagsusulong sa mental health care, ang tinututukan ng iba’t ibang mga bansa at magiging bahagi na ng New Normal hanggang hindi pa tuluyang nakakabangon ang mundo sa epekto ng pandemya.

Edwin V. Zabarte – Batangas PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.