April 24, 2022
Nagpatawag ng isang pagpupulong ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, kasama ang mga Tourism and Environment Stakeholders, tungkol sa patuloy na pagdami ng Crown of Thorns (COTs) sa coastal areas ng Lalawigan ng Batangas noong ika-20 ng Abril 2022 sa Provincial Auditorium, Capitol Compound, Lungsod ng Batangas.
Ang aktibidad ay pinangunahan ng Provincial Tourism and Cultural Affairs Office, kung saan naging resource speaker si Ginoong Luis Awitan, ang department head ng Provincial Government Environment and Natural Resources Office (PG-ENRO).
Ayon kay Ginoong Awitan, ang COTs o mas kilala sa tawag na “taeng kalabaw” ay isang fast-growing species ng starfish na kumakain ng corals. Ito ay may karaniwang sukat na 30 hanggang 40 sentimetro at maariang lumaki hanggang 70 sentimetro. Nagtataglay ito ng mahahaba, matutulis at nakakalasong tinik kaya tinaguriang crown of thorns.
Binigyang-linaw ni Awitan na bagama’t ang pagkakaroon ng COTs ay normal sa pagpapanatili ng balanseng ecosystem sa karagatan, ang hindi inaasahang pagdami nito o outbreak ang siyang may masamang epekto sa ecosystem. Ang paminsan-minsang outbreaks aniya ay nakakatulong pa rin para sa pagtaas ng coral diversity, ngunit ang madalas at tuloy-tuloy na outbreaks ay maaaring magdulot ng malawak na pinsala dahil posibleng hindi makabawi ang ang coral reefs at tuluyang mamatay.
Dagdag pa ng Guest Speaker na nahahati sa tatlo ang monitoring ng status ng mga COTs sa lalawigan, kabilang ang Outbreak, Presence at No Presence. Nasa ilalim ng Outbreak status ang mga baybaying dagat ng Lian, Mabini, San Luis at Tingloy. Ang coastal areas naman ng Bauan, San Juan at Taal ay kabilang sa Presence status, at ang karagatang sakop ng Balayan at Lobo ay nabibilang sa No Presence status.
Ang mga pamahalaang lokal ng Calatagan, Nasugbu, Lemery at Tingloy ay hindi pa nakakapagsagawa ng monitoring sa kanilang coastal areas.
Patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng PG-ENRO sa mga pamahalaang lokal patungkol sa isinasagawang seasonal closure o pagpapahinga ng mga Look ng Lalawigan ng Batangas sa pangingisda upang maiwasan ang “overfishing” sa coastal areas at mas mapalaki pa ang iba’t-ibang uri ng mga isda sa karagatan.
Binigyang-diin ni PG-ENRO chief na hindi magandang tingnan ang karagatan na puro reefs lamang at walang mga aquatic animals na naninirahan doon. Aniya, kung sa ilalim ng dagat ay mas ma-trapik at maraming buhay, mas maganda.
Jayne Elarmo & Vinson-Roi De Chavez