Corn Farmers ng Lalawigan, pormal na nagsipagtapos sa Maiskwelahan

Pagdiriwang ng ika-119th Anibersaryo ng Serbisyo Sibil, opisyal na sinimulan sa Kapitolyo
September 2, 2019
Batangueño PWDs, nakiisa sa 41st Disability Prevention & Rehabilitation Week Celebration sa Rizal
September 4, 2019

September 2, 2019

MAISaganang Pagtatapos. 640 graduates ang nagtapos sa ilalim ng programang Ala Eh! Maiskwelahan, isang radyo eskwela sa Batangas. Isinagawa ang Graduation Ceremony, sa pangunguna ng Agricultural Training Institue (ATI) IV-A katuwang ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas sa pamamagitan ng Office of the Provincial Agriculturist (OPAg), noong ika-3 ng Setyembre 2019 sa Provincial Auditorium, Capitol Compound, Batangas City. ✐Mark Jonathan M. Macaraig/Photo by Macc Venn Ocampo – Batangas Capitol PIO

May kabuuang 640 na magsasaka mula sa iba’t-ibang bayan at lungsod sa Lalawigan ng Batangas ang matagumpay na nagsipagtapos noong ika-3 ng Setyembre 2019 sa idinaos na Graduation Ceremony para sa programang Ala Eh! Maiskwelahan sa Batangas.

Ang nasabing pagtitipon, na ginanap sa Provincial Auditorium, Capitol Compound, Batangas City, ay konklusyon ng isang radyo eskwela na nakatuon sa produksyon ng mais.

Ito ay magkabalikat na isinagawa ng Department of Agriculture – Agricultural Training Institue IV – A (ATI) at ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pamamagitan ng Office of the Provincial Agriculturist (OPAg), at sa pakikipagtulungan ng Department of Agriculture – Regional Field Office IV-A, Batangas State University, Office of the City Veterinarian and Agricultural Services (OCVAS) ng Lungsod ng Batangas, Philippine Crop Insurance Corpotation (PCIC), Agricultural Credit Policy Council (ACPC), mga Local Government Units (LGUs), at himpilang Radyo Totoo 95.9, kung saan sumahimpapawid ang naturang programa.

Ang Lalawigan ng Batangas ay pumapangalawa sa may pinakamalaking taniman ng mais sa CALABARZON Region. Ngayon taon, muling naisakatuparan ng ATI ang programa at napalawig pa ito sa 20 bayan at lungsod sa lalawigan. Kabilang dito ang mga Munisipalidad ng Calatagan, Calaca, Agoncillo, Lian, Lemery, Laurel, Ibaan, Nasugbu, Malvar, Padre Garcia, San Nicolas, San Jose, Rosario, San Juan, Talisay, Sto. Tomas, at San Pascual, at mga Lungsod ng Lipa, Tanauan, at Batangas, na may pinakamaraming bilang ng nakilahok.

Layunin ng labing-apat na linggong talakayan, na naka-iskedyul tuwing Sabado ng hapon, ang makapagbigay ng kaalaman patungkol sa mga makabagong teknolohiya, oportunidad sa merkado, at Good Agricultural Practices (GAP) para sa pagkakaroon ng sustainable corn production.

Sa naging mensahe ni Provincial Agriculturist Engr. Pablito Balantac, ipinahayag niya na patuloy na makikipagtulungan ang kanilang tanggapan, kasama ang ATI at iba pang ahensya, upang malampasan ang hamon sa agrikultura sa probinsya.

Labis namang nakapukaw ng atensyon at hinangaan ng marami ang naging talumpati ni Scholarship Division head at Executive Assistant Merlita Pasatiempo, ang kinatawan ni Governor DoDo Mandanas sa seremonya, na binalikan ang pagkakaiba ng paraan ng pagtatanim hanggang sa pag-aani ng mais noon at ngayon.

“Sana ang bawat isa sa atin ay magsilbing kawayan, na tutulong sa ating kapwa, upang tayo ay umangat at patuloy na mabuhay,” pahayag ni Ginang Pasatiempo. “Maging parang kawayan tayo na humahapay, hindi para matumba, manapa’y upang sumabay at sumama sa globalisasyon ng pag-unlad ng pamayanan.”

Ang School-On-Air on corn farming ay inumpisahan sa lalawigan noong taong 2016 bilang isang proposal-based program at isinasagawa batay sa kahilingan ng mga nakikinig nito. Ang isang indibidwal o magsasaka ay maaaring magparehistro at mag-enroll upang maging bahagi ng naturang programa.

Dito ay matututo sila sa pamamagitan lamang ng pakikinig kahit nasa trabaho o bahay lamang.

Mark Jonathan M. Macaraig – Batangas Capitol PIO

Please follow and like us:
fb-share-icon
Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.