Community Food Market sa Kapitolyo, Ipinagpatuloy ng OPAg

Banta ng Crown of Thorns sa mga Coral Reefs ng Batangas, Patuloy na Binabantayan
May 20, 2022
Contingency Planning Training of Facilitators, Isinagawa ng OCD-CALABARZON, Batangas PDRRMO
May 25, 2022

May 21, 2022

Sa pagpapatuloy ng pagdiriwang ng Buwan ng mga Magsasaka at Mangingisda, muling isinagawa ang Community Food Market ng mga Batangueño farmers at fisher folks sa DREAM Zone, Capitol Compound sa Lungsod ng Batangas noong ika-20 ng Mayo 2022.

Sa pangunguna ng Office of the Provincial Agriculturist (OPAg), ang Community Food Market ay kinatampukan ng iba’t-ibang uri ng prutas, gulay, halaman, lutong ulam at lamang dagat na tinangkilik ng mga mamimili, kabilang ang mga kawani ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas.

Naunang naging aktibidad ng OPAg ang nasabing Community Food Market noong ika-5 na Mayo 2022, kaugnay ng pagdiriwang na may temang “Magsasaka at Mangingisda: Mga Bayani ng ating Bansa.”

Ayon kay Provincial Agriculturist, Dr. Rod Bautista, nilalayon ng proyektong ito na matulungan ang mga maliliit na magsasaka sa probinsya ng Batangas upang mas madali nilang maibenta ang kanilang mga produkto at mahikayat ang mga ito sa pagtatanim at pangingisda lalo na at may siguradong mamimili, sa tulong ng OPAg.

Sa pamamagitan din ng proyektong nito, naiiwasan ang pagkakaroon ng tinatawag na “middleman” kung kaya at mas murang nabibili ng mamimili ang mga sariwang produkto.

Binigyang-diin din ni Dr. Bautista na magpapatuloy ang pag-alalay ng OPAg sa mga magsasaka at mangingisda at pinaplano nila na gawing regular, tuwing araw ng Biyernes, ang nasabing Community Food Market sa DREAM Zone.

Bukod pa rito, matutulungan din ang mga kawani at empleyado ng Kapitolyo na makapamili ng sariwang prutas at gulay sa murang halaga.

Nilahukan ng ilang mga local vendors ang Community Food Market, kabilang ang Barigon Multi-Purpose Cooperative ng Agoncillo, Batangas na nagbenta ng mga sariwang prutas at gulay; ang Magiting na Magsasakang Batangueño Inc. na nagtinda ng guava, dried fish at mga indoor at outdoor plants; Samahang Magtatalaba ng Barangay Pinagbayanan ng San Juan; Samahang Magmamaliputo ng Barangay Sambal Ilaya, Lemery na nagbenta ng sariwang maliputo; Bulihan Farmers’ Association ng Nasugbu na nagbenta ng sariwang mais; at, Pinagbuklod Rural Improvement Club ng Batangas Inc. at Batangas City Rural Improvement Club Marketing Cooperative na nagtinda ng dried goods at mga lutong ulam.

Vinson-Roi C. De Chavez – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry
1

Comments are closed.