July 12, 2024
Kaugnay ng Police Community Relations (PCR) Month ngayong buwan ng Hulyo 2024, naging panauhin ng B’yaheng Kapitolyo, ang opisyal na programang pang-radyo ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, ang Police Community Affairs and Development Group (PCADG) ng Philippine National Police (PNP) sa CALABARZON noong ika-9 ng Hulyo 2024.
Sa panayam kay Patrolwoman Patricia Sara Bernales, na naging kinatawan ng nasabing PNP group, ibinahagi niya na ang pangunahing hangarin ng PCR ay upang mapalapit ang kapulisan sa mga komunidad.
Ang pagsasagawa ng Police Community Relations Month ay sang-ayon sa Presidential Proclamation No. 764, na ipinatupad ni dating Pangulo Gloria Macapagal Arroyo noong January 24, 2005.
Gumagawa sila aniya ng mga hakbang upang makapagbahagi ng tulong, tulad ng mga outreach programs and lectures lalo na sa malalayong lugar. Kabilang sa mga outreach programs na isinasagawa ang medical and dental missions, kung saan nakikibahagi ang mga police medical teams, kasama ang mga partner non-governmental organizations at local government units. Kasama naman sa mga hatid na lectures ang tungkol sa mga batas na dapat malaman ng mga mamamayan.
Layunin ng PCADG na alisin ang takot na nararamdaman ng mga tao tuwing sila ay makakakita ng mga pulis. Dagdag pa ni Bernales, nais nilang maipagpatuloy ang mga gawaing ito nang hindi bababa sa isang beses sa bawat linggo.
Almira Elaine F. Baler – Batangas Capitol PIO