Child Sexual Extortion at Exploitation sa Batangas Province, tinutukan ng ECPAT Philippines

5th Batangan Pride March 2019, umarangkada sa San Pascual
June 14, 2019
Kamatis candy-making hatid ng Prov’l. Agri Office
June 17, 2019

June 17, 2019

Sa panahon ng makabagong teknolohiya, kung saan halos lahat ay tumatangkilik sa paggamit ng social media sites, hindi alintana ng ilan, na sa bawat magandang naiitulong nito, lalo na sa larangan ng komunikasyon, ay mayroon ding masamang epekto na kung minsan pa ay lubos na naapektuhan ay ang mga kabataan.

Kaugnay nito, upang talakayin ang mga kasalukuyang isyu patungkol sa pagtataguyod at pagsusulong ng proteksyon ng mga bata laban sa sekswal na pagsasamanatala online, minarapat ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) na makipag-ugnayan at magsagawa ng isang consultation meeting, katuwang ang End Child Prostitution, Child Pornography and the Trafficking of Children for Sexual Purposes o mas kilala bilang ECPAT Philippines, noong ika-17 ng Hunyo 2019.

Dumalo sa nasabing pagpupulong, na ginanap sa PG-ENRO Conference Room, Capitol Compound, Batangas City, ang mga kinatawan mula sa Philippine National Police – Batangas, Lipa Archdiocesan Social Action Commission (LASAC) Inc., Department of Education – Batangas, at mga kasaping Non-Government Organizations (NGOs) at Local Government Units (LGUs).

Pinagtuunan ng pansin at masusing pinag-usapan ang ilan sa mga problema o isyung kinabibilangan ng mga kabataang menor de edad, na pangunahing nagiging biktima ng kahalayan at pagsasamantala gamit ang mga social media sites.

Sa murang edad, nagiging biktima ang mga kabataan sa prostitusyon at pornography dala na rin ng kahirapan o matinding pangangailangang pampinansyal. Tinataya na kayang kumita ng isang masasangkot sa ganitong aktibidad ng mahigit sa isang daang libong piso sa loob ng isang buwan, depende sa dami ng kliyente.

Mariin namang kinondena ng mga kasapi ng pagpupulong, na, bagaman malaki ang kikitain, dignidad at buhay naman ng mga bata ang napapariwara sa ganitong mga sitwasyon.

Dahil dito, nagkaroon ng paghahain ng mga programa at proyekto ang mga kinatawan mula sa iba’t-ibang ahensya at organisyon. Ang LASAC Inc. ay makikipagtulungan, sa pamamagitan ng mga volunteers nito, na nakahandang tumugon sa magiging pangangailangan ng ECPAT. Iminungkahi naman ng DepED Batangas na pag-isahin ang mga programa nila at ng ECPAT na nakatuon sa naturang isyu para umano makabawas ng pondo at mapaigiting pa ang kampanya sa child extortion at exploitation.

Ang ECPAT Philippines ay nasa unang bahagi pa lamang sa Lalawigan ng Batangas, sa pagpapalaganap ng kanilang adbokasiyang matuldukan ang ganitong suliranin. Sa CALABARZON, nakarating na rin ang grupo ng ECPAT sa Laguna, kung saan marami silang nasagip na mga batang sangkot sa Online Sex Extortion.

Samantala, bahagi rin ng bisyon ng ECPAT Philippines ang maituro sa mga komunidad ang mga panganib at pinsala ng sexual exploitation; kung ano ang community-based healing and recovery program para sa mga naging biktima, katuwang ang multi-disciplinary team, at paglulunsad ng mga pagsasanay para sa mga tourism industry players mula sa lokal na lebel hanggang nasyunal. ✎ Francis Japor at Mark Jonathan M. Macaraig – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.