July 11, 2024
Sa pagdiriwang ng Child Development Workers’ Week noong ika-27 ng Hunyo 2024 sa FPJ Arena, San Jose, Batangas, kinalala at binigyan ng quarterly honorarium ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas ang 834 na Child Development Workers (CDW) na naglaan ng kanilang serbisyo sa mga barangay ng lalawigan.
Upang mas lalong maintindihan at linawin ang mga tungkulin at responsibilidad ng isang Child Development Worker, inanyayahan sa B’yaheng Kapitolyo, ang opisyal na programang pang-radyo ng pamahalaang panlalawigan, noong ika-4 ng Hulyo 2024 ang Focal Person ng Children’s Program ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) na si Ms. Gingerlyne Panganiban kasama ang CDW President ng Taal na si Ms. Ana Marie Faral.
Ibinahagi ni Ms. Farol na ang isang CDW o tinatawag noon na Day Care Worker ay mayroong pangunahing papel sa pagbuo ng isang maayos na Early Childhood Care at sinanay upang magturo ng early education, survival skills, at iba pang mga kasanayan, kabilang ang mga serbisyong panlipunan.
Ilan sa mga kuwalipikasyon ng isang CDW ay ang pagiging 4-year Bachelor of Science in Education graduate, mga trainings ukol sa Early Childhood, at ang kaukulang pag-eendorso mula sa PSWDO o DSWD. Ito ay isang masusing proseso upang mas mapaganda at maisaayos ang serbisyong hatid ng mga CDW sa mga barangay.
Ayon din kay Ms. Farol, naiiba ang mga CDW sa mga regular na guro sa kadahilanan na sila ay mga volunteer workers na nakakatanggap quarterly ng Honorarium, na may halagang ₱2,400.00 na nanggagaling sa pamahalaang panlalawigan, Early Childhood Care Development Checklist at financial assistance mula sa kanilang mga barangay.
Nabanggit din nila ang Magna Carta for Day Care Workers, na kasalukuyang House Bill 6883 na sa Kongreso, na may probisyon na madagdagan ang benepisyo ng mga CDWs katulad ng pagkakaroon ng PhilHealth, karagdagang sahod, overtime pay, subsistence allowance at hazard pay.
Hangad anila ng mga CDWs na maisakatuparan na ito, hindi lamang para sa angkop na sahod, kung hindi para na rin sa proteksyon nila laban sa mga hindi patas na pamamaraan at maging matatag na opsyon ang pagiging isang CDW ng mga guro para sa simula ng kanila karera o bilang permanenteng trabaho.
Almira Elaine F. Baler – Batangas Capitol PIO