Bulkang Taal, Ibinaba na sa Alert Level 3

10,000 Relief Packs Ipinamahagi ng Unang Ginang Honeylet Avanceña, Katuwang ang FFCCCII
January 23, 2020
Batangas PDRRMC: tuloy na tulong, pagbubukas ng klase, “Ash for Cash” at paghuhusay ng disaster management plans tinalakay
January 31, 2020

January 26, 2020

Labing-apat na araw mula nang ito ay pumutok noong ika-12 ng Enero 2020, ibinaba na ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang Alert Level ng Bulkang Taal sa Level 3.

Ito ang ibinahagi ni Batangas Governor DoDo Mandanas sa isang media briefing sa Operation Center ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council sa Provincial Sports Complex, Bolbok, Batangas City, umaga ng ika-26 ng Enero 2020.

Kaugnay nito, binawi na rin ang iniutos na “lockdown” at binuksan ang opsyon o pagpili sa mga pinalikas na residente sa loob ng mga lugar na sakop ng 14-km danger zone radius, maliban sa mga nakatira at may mga hanapbuhay sa mga Bayan ng Agoncillo at Laurel, kung sila ay babalik na sa kanilang mga tirahan.

No man’s land o isang permanent danger zone pa rin ang volcano island.

Binigyang-diin naman ni Gov. Mandanas na maaari pa ring pumutok muli ang Bulkang Taal, kung kaya’t pinaaalalahanan ang mga taong pabalik sa kanilang mga barangays at bayan na patuloy na maging alerto, mapagbantay at handang lumikas sa loob ng isang oras kung sakaling itaas muli ng PHIVOLCS ang alert level sa Level 4.

Dagdag pa nito, may posibilidad ding magkaroon ng lahar, ang putik na mula sa nabasang abo na galing sa bulkan, na maaaring dumaloy mula sa mga matataas na lugar kapag umulan. Partikular na pinangalanan ang mga Bayan ng Laurel at Agoncillo at mga lugar na kadikit ng Cavite Province, na may banta ng lahar mudflow.

Pinag-iingat din ang lahat, ayon sa gobernador, sa mga panganib na may kinalaman sa naganap na volcanic eruption, kabilang ang paglanghap ng abo at, pagkakaroon ng physical injuries o damage to properties dahil sa mga may sirang mga bahay at gusali, madudulas na kalsada, mga bitak sa lupa, at kawalan ng tubig at kuryente.

Nagpasalamat si Gov. Mandanas sa gabay ng Diyos, at gayun din sa lahat ng mga tumulong at patuloy na naglilingkod para makaahon ang lalawigan, lalo na ang mga naapektuhang mga kababayan, mula sa naganap na pagsubok ng kalikasan.

Maging mapagmatyag aniya dapat ang lahat para sa kaligtasan ng sarili at ng kapwa.

VIA / Photo: PMagnayeJr – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.