Book Launching, Donation Activity ng mga Batangueño Authors, isinagawa sa Kapitolyo

PPMP 2025 (Annual Procurement Plan for CY 2025)
January 6, 2025
Provincial Government of Batangas Procurement Monitoring Report for the period of July – December 2024
January 13, 2025

January 7, 2025

Hindi naging hadlang ang paninirahan sa ibang bansa upang maipakita ng tatlong Batangueño authors ang kanilang pagmamahal sa bayang sinilangan at pagpapahalaga sa kultura at kasaysayan ng Lalawigan ng Batangas sa pamamagitan ng pagsusulat o pag-akda ng libro.

Kaugnay ito sa isinagawang book launching at donation activity noong ika-7 ng Enero 2025, na ginanap sa Provincial Library, HELP Information Building, Capitol Compound, Batangas City. Katuwang ang Batangas Provincial Library sa pag-organisa ng naturang aktibidad, na may pangunahing layunin na mapalawig pa ang “local heritage collection o catalog” ng panlalawigang aklatan.

Tampok sa pagtitipon ang paglulunsad ng dalawang libro na may titulong “Sons of Batangas” at “Snippets of Life,” na magiliw na dinaluhan ng ilang mga kinatawan mula sa Department of Education – Batangas Province and Batangas City, Batangas History Society, at mga librarians at tagapamahala ng mga silid aklatan mula sa iba’t ibang bayan, lungsod, paaralan, at unibersidad sa lalawigan.

Ang unang libro na “Sons of Batangas” ay akda nina Ian Gutierrez at Conrado Bugayong, kapwa tubong Lungsod ng Batangas. Si Gutierrez ay halos 25 taon nang naninirahan sa bansang Australia, habang si Bugayong naman ay mahigit nang 20 taon nang nasa bansang America.

Ang kanilang libro ay isang nostalgic narrative o pagbabalik-tanaw ng dalawang manunulat patungkol sa kanilang kinalakihang home town o lugar. Naglalaman ito ng kanilang journey at mga alaala sa Lungsod ng Batangas bago sila magdesisyon na manirahan sa ibayong dagat.

Dito ay binalikan nila ang mga tao, lugar, at pangyayari na humubog at nag-iwan ng marka sa kanila bilang mga Batangueño, gayun din ang kabuuang relasyon at pananaw nila sa buhay at sa lungsod. Bahagi rin ng libro ang naging mga pagbabago at pag-unlad ng lungsod sa mga nakalipas na dekada.

Sa pagbabahagi ng mga awtor na sina Gutierrez at Bugayong, makakatulong anila ang libro para sa mga Batangueño ng bagong henerasyon, lalo’t higit sa pagtuklas sa kung ano ang buhay noon kumpara sa ngayon. Tinalakay rin nila ang proseso ng pagbuo ng libro, kung saan halos virtual lamang ang kanilang mga naging pag-uusap para tapusin ito.

Ang ikalawang libro naman na “Snippets of Life” ay mula sa panulat ni Ma. Eireen Conty Macaranas, na nagmula sa Lungsod ng Lipa at ngayon ay nakabase na sa Australia. Ang nabanggit na aklat ay naglalaman ng kaniyang mga pinagsama-samang tula o poetic manuscripts tungkol sa kaniyang mga karanasan sa buhay at mga magagandang katangian na kaniyang natutunan bilang isang Lipeña.

Kabilang sa mga naisulat ni Macaranas na nakapaloob sa libro ay ang kauna-unahan niyang tula, kung saan nakatuon sa kaniyang ina. Ito aniya ay buhat sa ipinasa pa niyang takdang-aralin noong siya ay kolehiyo pa lamang. Dagdag pa rito, sumulat din siya ng isang tribute poem para sa kaniyang namayapang ama.

Para kay Macaranas, nagsisilbing outlet o labasan ng kaniyang mga emosyon at nararamdaman ang pagsusulat niya ng mga tula, maikli man o mahaba. Isa rin aniyang malaking achievement na mailathala ang kaniyang mga isinulat, na pawang bahagi na ng pundasyon ng kaniyang pagiging isang Batangueña.

Matapos ang naging presentasyon at pagpapaliwanag ng mga awtor sa nilalaman ng kanilang mga akda, tahimik at interesado namang nakinig ang lahat sa pormal na pagbasa ng mga authors ng ilang bahagi ng kanilang libro. Ang ilang mga talata at linya na binasa sa libro ay nagbukas sa lahat ng mga dumalo upang sariwain at balikan ang kani-kanilang mga alaala sa mga lugar na kanilang kinabibilangan.

Naging bahagi rin ng programa ang question and answer session, na sinundan ng book distribution and signing para sa pagkakaloob ng libreng kopya ng mga libro sa ilang mga silid-aklatan sa probinsya.

Isa-isa namang nagpaabot ng kanilang mga pasasalamat at pagbati sa mga awtor sina Vice Governor Mark Leviste, Provincial Administrator Wilfredo Racelis, na nagsilbing kinatawan ni Governor Hermilando Mandanas, Secretary to the Sangguniang Panlalawigan na si Mr. Nelson Bayani, at Provincial Librarian Alexander Lunar. Para sa kanila, mahalaga ang gagampanan ng mga librong nailimbag para sa pagtataguyod ng aral o diwa ng paglingon at pagkilala sa lugar na pinanggalingan.

Bukod dito, ipinunto ni Ginoong Lunar ang importansya ng pagsasagawa ng mga ganitong uri ng aktibidad, na aniya ay nagpapasigla at nagbibigay ng buhay sa pagpapanatili ng paggamit ng mga silid aklatan, lalo’t higit sa panahon ngayon ng social media o modernisasyon. Ipinaabot din niya ang kaniyang paanyaya sa lahat na bistahin ang Provincial Library sa Kapitolyo, na bukas simula Lunes hanggang Biyernes, ganap na alas otso ng umaga hanggang alas-singko ng hapon.

Samantala, buong-suporta ring nakiisa sa ginanap na book launching at donation activity ang mga pamilya at malalapit na kaibigan nina Gutierrez, Bugayong, at Macaranas.

✎: Mark Jonathan M. Macaraig / 📷: MacVen Ocampo – Batangas Capitol PIO

Please follow and like us:
fb-share-icon
Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.