Batangueño Public Pinaaalalahanan sa Banta ng Dengue Ngayong Tag-ulan

Notice of Vacant Position
September 1, 2020
Notice of Award – Purchase and Delivery of Face Mask
September 3, 2020

September 2, 2020

Hinihikayat ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pangunguna ng Provincial Health Office (PHO), na pinamumunuan ni Dr. Rosvilinda M.Ozaeta ang mga Batangueño na maging mas mapagmasid at handa upang matugunan ang banta ng Dengue Fever ngayong buwan ng Setyembre, sa harap ng pangambang dulot ng COVID -19 Virus sa buong mundo.

Ayon sa PHO, mula buwan ng Setyembre naitatala ang pagtaas ng bilang o “spike of case” ng dengue fever sa iba’t-ibang pamayanan sa lalawigan, na bunsod ng tinaguriang peak ng rainy season sa bansa. Nagdudulot ito ng mga pagbaha at pagkaipon ng tubig sa mga tagong lugar na pinamumugaran ng mga lamok, na Aegis Aegypti, na siyang may dala ng dengue virus.

Sa panayam kay Dr. Josephine Gutierrez ng Batangas PHO, sa radio program na B’yaheng Kapitolyo, , ipinaalala nito sa mga Batangueño na “kung walang lamok, walang Dengue” at huwag matakot magpakonsulta, kahit ngayong panahon ng pandemya.

Inilahad din nito ang mga hakbang na dapat isagawa ng mga pamayanan sa oras na magkaroon ng dengue outbreak sa kanilang lugar. Pangunahin dito ang agad na pagbuhay ng Aksyon Barangay Kontra Dengue program na kinapapalooban ng 4S Strategy.

Ito ay binubuo ng apat na hakbang upang labanan ang Dengue, kabilang ang Search and Destroy o pag-hahanap at pagpuksa ng mga pinamumugaran ng mga kiti-kiti o mosquito larvae; Self-Protection o pagsusuot ng mga akmang damit o mahahabang kasuotan upang maiwasan na madapuan ng lamok; Seek Early Consultation o ang maagang pagpapakonsulta kung may nararanasang sintomas ng dengue; at, Support Fogging and Spraying o pagsasagawa ng disinfection sa mga pamayanan.

Pinaalalahanan din ni Dr. Gutierrez ang mga barangay health workers na importanteng hindi makaligtaan ang mga simpleng paglalapat ng eksaminasyon sa mga suspected cases, tulad ng CBC platelet at Dengue NH1 test para maiwasan ang pangamba ng cross reaction dahil ang ilang sintomas nito ay maihahalintulad sa mga sintomas ng COVID-19, partikular ang ubo at trangkaso.

Noong nakaraang taon, buwan ng Agosto, nagdeklara ng National Epidemic Declaration ang Pilipinas bunga ng pagtaas ng kaso ng Dengue sa buong bansa. Sa Lalawigan ng ng Batangas, nakapagtala ng 12,872 na kabuuang kaso kaya mas pinaiigting ngayon ang National Dengue Advocacy Program ng lalawigan.

Nakapagtatala pa lamang ng 868 na kaso sa lalawigan ngayong taong ito, dagdag pa ni Dr. Gutierrez. Malaking parte ng pagbaba ng kaso ng dengue ang ipinapatupad na Community Quarantine Protocols sa buong bansa kaya nagkaroon ng maraming oras ang mga pamilya na maglinis ng kanilang bakuran at tutukan ang kalusugan.

Ipinagbigay-alam din nito sa publiko, sa ilalim ng direktiba ni Governor Dodo Mandanas, na patuloy ang pamamahagi ng larvacide at misting solutions ng pamahalaang panlalawigan upang tugunan ang paglaban sa Dengue sa mga barangays.

Edwin V. Zabarte, Batangas PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.