September 9, 2024
Apat na mga Batangueñong mag-aaral na namayagpag sa larangan ng Matematika sa pang-internasyunal na lebel ang binigyang-pugay at ginawaran ng Resolutions of Commendation and Congratulations ng Sangguniang Panlalawigan (SP) ng Batangas sa isinagawang 37th Regular Session nito sa Salvador H. Laurel Session Hall, Apolinario M. Mabini Legislative Building, Capitol Site, Batangas City ngayong araw, ika-9 ng Setyembre 2024.
Sa magkakahiwalay na resolusyon, unang kinilala ng mga miyembro ng SP ang magkapatid na sina Reuben Joseph at Rebben Marion Felix, na tubong San Jose, Batangas at kapwa mag-aaral mula sa Philippine Science High School CALABARZON Region – Batangas City Campus. Sila ay parehong lumahok sa Hong Kong International Mathematical Olympiad na ginanap noong ika-23 hanggang 26 ng Agosto 2024.
Si Reuben Joseph, Grade 11, ay nagkamit ng medalyang ginto para sa Senior Secondary Category, tinanghal na World Champion, at nag-uwi ng ilang mga parangal, kabilang ang Boole Award para sa nakuhang perfect score sa Logical Thinking, Leibniz Award para sa perfect score sa Algebra, at Euclid Award para naman sa kaniyang perfect score sa Geometry.
Ang kaniya namang kapatid na si Rebben Marion, Grade 8, ay nakasungkit din ng medalyang ginto para sa Secondary 1 Category, tinanghal na 2nd Runner-up, at nag-uwi rin ng ilang mga rekognisyon, tulad ng Boole Award para sa perfect score sa Logical Thinking at Euler Award na kaniyang nakuha sa pagkakaroon din ng perfect score sa Number Theory.
Ang pagkilala sa magkapatid na Felix ay sang-ayon sa bisa ng Resolution Numbers 1257 at 1258, na sponsored ni 5th District Board Member Claudette Ambida at co-sponsored nina Vice Governor Mark Leviste, 4th District Board Members Jonas Patrick Gozos at Jesus De Veyra, at Philippine Councilors League – Batangas President, Board Member Melvin Vidal.
Samantala, sumunod namang kinilala ng mga mambabatas ng lalawigan sina Trishia Dela Cueva at Josh Rafael Agunod, na parehong estudyante mula sa Lilyrose School sa Tanauan City at kapwa nagmula sa Lungsod ng Sto. Tomas, Batangas. Ang dalawa ay lumahok at nakipagtagisan ng galing sa ginanap na 2024 World Mathematics Invitational sa Putrajaya, Malaysia.
Si Dela Cueva, mula sa Barangay San Rafael, ay nakasungkit ng gintong medalya, habang ang tubong Barangay San Roque na si Agunod ay nagwagi ng bronze medal.
Ang komendasyon ng dalawa mula sa mga miyembro ng SP ay alinsunod naman sa Resolution Numbers 1259 at 1260, na mula sa mosyon na isinulong ni 3rd District Board Member Alfredo Corona at co-sponsored nina Vice Gov. Leviste at 3rd District Board Member Rodolfo Balba.
Ang naturang apat na resolusyon na iginawad sa mga Batangueño International Math Wizards ay naaprubahan sa nakaraang ika-36 na karaniwang pagpupulong ng SP.
✎: Mark Jonathan M. Macaraig / 📷: Macven Ocampo – Batangas Capitol PIO