November 27, 2017
Tinanghal na 4th Placer ang Batangas Provincial Library sa 2017 Search for Outstanding Public Libraries with Special Program on the Protection and Preservation of Cultural Heritage na ginanap noong ika-24 ng Nobyembre 2017 sa okasyon ng National Book Week at 27th Library and Information Services Month na ginawa sa SMX Convention Center, Bacolod City.
Naging ambag ng Batangas Provincial Library, sa pangunguna ni Mrs. Rosita Masangkay, ang pangangalaga at patuloy na pagsulong ng kasaysayan at kulturang Batangueño sa pamamagitan ng pagsasalin sa mga mahahalagang dokumento sa digital form at pag upload nito online. Sa ganitong gawain, masisiguro ang konserbasyon ng mga panulat at literatura patungkol sa Lalawigan ng Batangas.
Naging awardee ang aklatan ng lalawigan sa nasabing annual search na isinasagawa ng National Library of the Philippines (NLP), katuwang ang National Commission for Culture and the Arts (NCCA) particularly the National Committee on Library and Information Services (NCLIS), at ang Philippine Librarians Association, Inc. (PLAI).
Ang taunang aktibidad ay naglalayong mabigyang diin ang mga makabuluhang programa at serbisyo ng mga libraries sa komunidad, lalo na ang pagkuha, pangagalaga at promosyon ng lokal na kasaysayan at katutubong kultura; at kilalanin ang mahalagang papel ng mga librarian para mas maging nakatuon at dedikado sila sa kanilang mahalagang tungkulin.
Ang Library and Information Services Month ay ipinagdiriwang sa mandato ng Proclamation No. 837 dated November 19, 1991. Vince Altar – Batangas Capitol PIO