Batangas Provincial Jail, COVID-19 Free pa rin

Notice of Award – Construction of Isolation Buildings
June 26, 2020
Batangas PEO: Tuloy ang Infra Projects kahit may COVID-19 Pandemic
June 26, 2020

June 26, 2020

“Negatibo sa COVID-19 ang 1,132 na mga inmates ng Batangas Provincial Jail.”

Ito ang malugod na ipinagbigay-alam ni Provincial Public Order and Safety Department (PPOSD) head at Acting Provincial Jail Warden, Atty. Genaro S. Cabral, matapos lumabas ang resulta noong ika-22 ng Hunyo 2020 ng isinagawang Polymerase Chain Reaction (PCR) swab test ng mga Person Deprived of Liberties (PDLs) sa naturang piitan.

Ayon kay Atty. Cabral, hindi isinasantabi ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pangunguna ni Gov. DoDo Mandanas, ang kapakanan ng bawat isang PDL, lalo na sa kalagayan ng mga ito sa kulungan na mas mabilis ang magiging pagkalat ng COVID-19 virus sa oras na may magpositibo rito.

“Bagamat kakaunti ang espasyo na ginagalawan nila ay nananatili silang ligtas sa mapamuksang sakit na COVID-19,” dagdag pa ng tumatayong Provincial Warden.

Binigyang-diin din ni Atty. Cabral na hindi rapid test ang naging paraan upang masuri ang mga inmates kung hindi swab testing, lalo na sa mga indibidwal na nakakaranas ng mga pag-ubo at sipon, na isinagawa noong Hunyo 16.

Matatandaan sa mga naunang panayam kay Atty. Cabral na dalawang linggo bago pa man maideklara at isailalim sa Enhanced Community Quarantine ang buong Luzon, nagsagawa na sila ng mga safety measures at pag-iingat upang maiwasang makapasok sa pasilidad ang virus.

Kabilang sa mga hakbang ng Batangas Provincial Jail ang pansamantalang pagbabawal sa mga dalaw, pagkakaroon ng guard shifting nang sa gayon ay maiwasan ang labas-pasok sa loob, at regular na pagtugon at pagbibigay ng atensyong medical.
Siniguro rin ng hepe ng tanggapan na maging ang mga jail guards na nakatalagang magbantay ay maayos ang kalusugan at patuloy lamang aniya ang pagpapatupad ng mga health and safety protocols.

Umaasa naman si Atty. Cabral, alinsunod na rin sa adhikain ni Governor Mandanas, na mapapanatiling COVID-19 free ang panlalawigang piitan, sa pinaigting at sama-samang kooperasyon ng mga jail staff at mga PDL.

M.J.Macaraig – Batangas Capitol PIO / Photos: Atty. Genaro S. Cabral

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.