July 18, 2024
Pagpapasigla ng industriya ng paggawa ng asin sa Lalawigan ng Batangas at ang kakulangan ng mga kagamitan upang malaman at masukat ang iodine sa asin ang ilan sa mga mga napag-usapan sa isinagawang Provincial Bantay Asin Task Force (PBATF) Semi-Annual Meeting 2024, sa pangunguna ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, ngayong araw, ika-16 ng Hulyo 2024, sa Provincial Health Office (PHO), Lungsod ng Batangas.
Pinanguluhan ni PHO Department Head, Dr. Rosvilinda Ozaeta, ang pagtitipon kung saan iniulat ang mga naging accomplishments ng PBAT, kabilang ang pagsasagawa ng mga orientation at pagbibigay ng mga updates patungkol sa pagpapatupad ng Republic Act 8172 o An Act for Salt Iodization Nationwide (ASIN) Law sa Batangas Province, at mga inspeksyon at monitoring sa mga pagawaan ng asin sa mga Bayan ng Calatagan at Bauan at Lungsod ng Calaca, kasama ang mga gumagawa ng bagoong sa Calatagan, Lian at Balayan.
Ibinahagi rin dito ang naging iodized salt testing sa buong lalawigan noong ika-10 ng Mayo hanggang ika-19 ng Hunyo 2024, gamit ang WYD iodine checker, ang instrumentong sumusukat sa antas ng iodine sa asin. Sa 99 na mga samples na nakuha ng PBAT sa iba’t ibang mga pamilihan at pagawaan ng asin sa lalawigan, 28% lamang ang pumasa sa kinakailangang iodine level sa pagitan ng 30 hanggang 70 ppm.
Kaugnay nito, binigyang-diin sa talakayan ang pangangailangan sa sapat na bilang ng mga testing gadgets at kits upang makita na sumusunod ang mga pagawaan sa mga alituntunin ng ASIN Law, at upang mabantayan ang mga pumapasok na asin sa lalawigan mula sa mga pagawaan ng Mindoro, Bulacan at Pangasinan at mga inaangkat sa China at Australia.
Iminungkahi rin ng kinatawan ng Philippine National Police Batangas na bumuo ng isang enforcement team ang PBAT na siyang tututok sa pagpapatupad sa batas na pinapairal.
Patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng task force sa mga pamahalaang lokal sa lalawigan upang mapagtibay na ng 100% ang ASIN Law sa Batangas, kung saan 32 na sa 34 na mga bayan at lungsod ang nakapagpasa ng kaukulang ordinansa.
Nakatakda ring mas maipabatid ang kahalagahan ng iodine sa kalusugan sa pamamagitan ng mga video at information and educational materials na ipapakita sa mga matataong lugar, kabilang ang mga ospital, bus terminals at Batangas International Port. Makikipag-ugnayan din ang PBAT sa mga sinehan at transport cooperatives para maipakita ang mga nasabing gabay pangkalusugan.
Dagdag pa ni Dr. Ozaeta, nabuksan na rin niya sa pamunuan ng Provincial Cooperative Livelihood and Enterprise Development Office ang pagsusulong sa pagbubukas ng kooperatiba para sa paggawa ng asin sa lalawigan, kung saan mistulang nahinto na ang naturang industriya sa kasalukuyan.
Kabilang sa mga dumalo sa pagpupulong ang mga kinatawan ng mga provincial offices ng Department of Science and Technology, Department of Trade and Industry, Department of Health, Department of the Interior and Local Government, Department of Education, PNP, PNP Maritime, at mga tanggapan ng pamahalaang panlalawigan. Vince Altar – Batangas Capitol PIO