July 18, 2024
Magkatulong na pinangasiwaan ng Provincial Health Office at Department of Health (DOH) Batangas Provincial Office ang isinagawang “Convergence Meeting for Batangas Province Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging and Re-Emerging Infectious Diseases” noong ika-17 ng Hulyo 2024 sa Grand Acacia Pavillion, Batangas Country Club sa Lungsod ng Batangas.
Matapos ang humigit kumulang apat na taon, muling nagsama-sama ang iba’t ibang ahensyang bumubuo sa Batangas Province Inter-Agency Task Force para sa iisang layunin na patuloy na siguruhing ligtas at may kahandaan ang lalawigan sa panahon ng pagkakaroon ng mga nakakahawang sakit.
Sa naturang pagpupulong, tinalakay ang ilan sa mga naging karanasan ng lalawigan noong panahon ng COVID-19 Pandemic. Nagkaroon din ng bahagihan patungkol sa mga naging epektibong pamamaraan na itinatag ng Batangas IATF upang sugpuin at pababain ang bilang ng mga pasyenteng nagpositibo sa sakit noong mayroong pandemya.
Dumalo sa pagtitipon si Vice Governor Mark Leviste, bilang kinatawan ni Governor Hermilando Mandanas, at kanyang binigyang-diin ang kahalagaan ng pagkakaroon ng IATF sa lalawigan, na nabuo sa pamamagitan ng Executive Order No.2HIM-05 ni Governor Mandanas noong taong 2020.
Pinasalamatan rin niya ang lahat ng ahensyang bumubuo sa task force na patuloy na nagsusulong at sumisiguro na may sapat na kahandaang medikal ang lalawigan.
Ibinahagi ni IATF Co-Chairperson at Provincial Health Officer, Dr. Rosvilinda Ozaeta, na ang Batangas IATF ay itinayo at mananatiling nakatindig, hindi lamang para sa COVID-19, kung kaya’t matapos ang pagkakaroon ng public health emergency bunsod ng pandemya, ipagpapatuloy ito sa probinsya para sa “Emerging and Re-Emerging Infectious Diseases” na maaaring makapasok sa lalawigan.
Samantala, inilahad naman ni PHO Assistant Department Head, Dr. Gerald Alday, ang mga hakbangin ng IATF sa hinaharap, kabilang ang mga gawain para mas palakasin pa ang samahan, na naka-angkla sa mga nagawa at naisakatuparan ng task force, at para matugunan ang mga nakitang isyu at kakulangan sa mga operasyon noong COVID-19 pandemic.
Nagtapos ang Convergence Meeting sa pamamagitan ng sabayang panunumpa at paglagda sa “Pledge of Commitment” bilang mga miyembro at bahagi ng Batangas Inter-Agency Task Force.
Dumalo sa pagtitipon ang mga kinatawan ng mga national government agencies sa Batangas, samahan ng mga medical professionals, mga tanggapan ng pamahalaang panlalawigan, at kinatawan ng mga pamahalaang lokal. Ornald Tabares, Jr. Photos/ Froilan Salcedo Jr. – Batangas Capitol PIO