Batangas PDRRMC: tuloy na tulong, pagbubukas ng klase, “Ash for Cash” at paghuhusay ng disaster management plans tinalakay

Bulkang Taal, Ibinaba na sa Alert Level 3
January 26, 2020
Notice of Vacant Positions
February 3, 2020

January 31, 2020

Tuloy-tuloy pa rin ang ginagawang pagbibigay ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas ng mga pangunahing pangangailangan ng mga evacuees, tulad ng pagkain, tubig, gamot, masks, at iba pang personal necessities sa lahat ng mga evacuation centers sa labas ng 14km radius. Patuloy din ang ginagawang mga hakbang at aksyon sa paglilipat ng mga evacuees sa mga bagong talagang evacuation centers tulad ng housing site sa Talaibon, Ibaan at Batangas Provincial Rehabilitation Center sa Malainin, Ibaan upang mabigyang-daan ang pagbubukas muli ng klase sa mga okupadong paaralan.

Kabilang ito sa mga tinalakay sa idinaos ng pagpupulong ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC), na may kaugnayan sa kasalukuyang estado ng Lalawigan ng Batangas apat na araw matapos maibaba sa Alert Level 3 ang Bulkang Taal noong ika-30 ng Enero 2020.

Ang urgent meeting ay pinangunahan ni PDRRMC Chairperson, Governor DoDo Mandanas, kasama si 3rd District Board Member, Atty. Jhoanna Villamor-Corona, na Chairperson ng Committee on Appropriations ng Sangguniang Panlalawigan, at dinaluhan ng mga Local Chief Executives at Disaster Risk Reduction and Management Officers mula sa mga lungsod at munisipalidad ng Batangas. Kasama rin dito ang mga kinatawan ng mga National Line Agencies, mga kabalikat ng pamahalaang lokal sa iba’t ibang sector, at mga department heads ng pamahalaang panlalawigan.

Binigyang-diin pa rin ng gobernador ang payong manatili sa labas ng 14-km radius (Danger Zone) mula sa Bulkang Taal dahil, kahit naibaba na sa Alert Level 3 ang estado ng bulkan, may posibilidad pa rin itong pumutok. Binuksan sa mga residente ang opsyon na bumalik sa kanilang mga komunidad, pero kailangan umanong ikonsidera ang mga precautionary directives na itinakda ng mga awtoridad para na rin masiguro ang kaligtasan ng mga residente.

Ang mga klase sa elementarya at sekondarya ay hindi pa rin pormal na pinahihintulutang magpatuloy sa loob ng 14-km radius. Pero, ibinibigay niya ang pasya sa mga Local Chief Executives kung, sa kanilang pananaw, ay maaari nang muling magbukas ang mga paaralan sa kanilang nasasakupan, na isinasaalang-alang ang seguridad at kapakanan ng mga guro at estudyante.

Kaugnay nito, pinag-aaralan ang paglalagay ng mga karagdagang evacuation centers at Instant HELP Centers (IHC) sa ilang mga piling barangay sa labas ng 7-km radius maliban sa anim na barangay na kinabibilangan ng Barangay Bilibinwang, Subic Ilaya, at Banyaga ng Bayan ng Agoncillo at Barangay Gulod, Buso-Buso, at Bugaan East ng Bayan ng Laurel. Ang mga naturang Instant HELP Centers ay bubuksan sa oras na ibaba ang Alert Level sa Level 2. Ito ay upang mapabilis ang paghahatid ng basic services, tulad ng pagsasaayos ng mga tirahan at tulong pangkabuhayan sa mga babalik na residente.

Ayon pa kay Governor Mandanas, uumpisahan na rin ang pagtatatag ng programang “Ash for Cash” kung saan mapapakinabangan ang volcanic ash na maaaring gawing mga hollow blocks, bricks at fertilizer. Dagdag pa ng gobernador, magiging katuwang sa proyekto ang mga cooperatives at pribadong sektor.

Napagtalakayan din ng konseho ang pag-aaral at muling pagbabalangkas sa contingency at evacuation plan ng probinsya, at bawat bayan at lungsod. Dito ay maisasaayos at matutugunan ang mga kakulangan upang magkaroon ng mas maganda at epektibong evacuation sa panahon ng sakuna at kalamidad. Iniutos naman ng gobernador na dapat magkaroon ng wastong koordinasyon ang probinsya, sa pamamagitan ng PDRRMO, sa bawat bayan at lungsod sa usapin ng disaster management.

Dapat din umano na ang isang punongbayan at punong lungsod ay may koordinasyon sa kani-kanilang municipal at city disaster risk reduction and management office. Nakatakda din na bumalangkas at magsumite ang mga ito ng plano kung saan isasaalang-alang na ang iba’t-ibang salik na makakatulong sa pagtiyak na magsisilbing gabay sa panahon na kailanganin ang naturang plano.

Muli namang pinasalamatan ni Governor Mandanas ang lahat ng mga tumutulong sa mga naapektuhan ng pagputok ng Bulkang Taal at sa patuloy na pagpapakita ng malasakit at pagbibigay ng pag-asa. Para sa gobernador, ang pangyayaring ito ay isang pagsubok na humahasa sa katatagan ng bawat isa at, sa dulo, magiging matalas at makinang, kahalintulad aniya sa isa sa mga sumisimbolo sa Lalawigan ng Batangas, ang balisong. Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.