April 29, 2022
Kasunduan sa Pagtatayo ng Smart Logistics Infrastructure sa Batangas Nilagdaan
Lumagda ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas sa isang Memorandum of Understanding (MoU), kasama ang Department of Trade and Industry (DTI) at YCH Group, ang nangungunang integrated logistics and supply chain provider sa Asya, para gawing pormal ang pinagkaisahang layunin at plano na makapagpatayo ng isang smart logistics infrastructure upang mas mapalakas ang interconnectivity ng Pilipinas sa mga bansang kasapi ng Association of South East Asian Nations (ASEAN).
Ang Lalawigan ng Batangas ang napiling maging lokasyon ng nasabing proyekto, na magiging kauna-unahang logistic hub sa Pilipinas na isasagawa ng Singapore-based company, na pagsasama-samahin ang advanced supply chain nerve centre operations, na nakatutok sa pagkakaroon ng connectivity, sustainability, scalability, and agility.
Ang MoU ay pinagtibay nina Batangas Governor DoDo Mandanas, DTI Secretary Ramon Lopez, at Dr. Robert Yap, YCH Group Executive Chairman. Ang okasyon ay dinaluhan ni Ginoong Satvinder Singh, Deputy Secretary-General of ASEAN Secretariat, at mga senior officials ng pamahalaang nasyunal at Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas. Naganap ito kahapon, ika-27 ng Abril 2022, sa Trade and Industry Building, Lungsod ng Makati.
Pangunahing hangarin ng partnership ang gawing opisyal ang commitment na makabuo ng isang feasibility study para sa isang smart logistics infrastructure, na kabahagi ng Smart Growth Connect (SGConnect), isa sa mga legacy projects ng ASEAN Business Advisory Council (ASEAN BAC).
Inaasahang matutugunan ng proyektong ito sa Batangas ang mga pangangailangan ng lumalagong ekonomiya sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas at isulong ang intra-ASEAN trade connectivity.
Sa isasagawang pag-aaral, magagamit ng YCH Group ang kanilang malawak na kaalaman sa supply chain and logistics, sustainability at state-of-the-art technologies. Tinatayang mapapalago ng nasabing proyekto ang kabuhayan ng mga komunidad sa lalawigan, at ang trade, investment, and economic development sa Batangas at CALABARZON Region.
Ito ang kasunod na konkretong hakbang sa nilagdaang Letter of Intent, kasama si Pangulong Rodrigo Duterte, noong 2018. Ang Batangas Province smart logistics project ang ikaapat na proyekto ng SGConnect, na nakaangkla naman sa mga layunin ng ASEAN Smart Logistics Network (ASLN) na sinimulan noong 2020, na hangad na maisulong ang smart and sustainable growth na naka-base sa smart logistics infrastructure, bilang tugon sa ASEAN Connectivity Master Plan 2025.
Nagpasalamat naman si Governor Mandanas sa pribilehiyong maging kabahagi ng Smart Growth Connect project ang Batangas, na patunay aniya sa antas ng pamamalakad ng pamahalaang panlalawigan at likas na kakayahan ng mga Batangueño. Kanyang binigyang-diin na gagawin ng pamahalaang panlalawigan ang lahat ng kakailanganing hakbang para mapabilis ang implementasyon ng nasabing legacy project.
Ibinahagi naman ng DTI na ang smart logistics infrastructure, sa ilalim ng SGConnect, ay magpapalakas sa connectivity ng domestic logistics ecosystem sa ASEAN supply chain network.
V. Altar – Batangas Capitol PIO