February 26, 2025
Nagtungo sa Lalawigan ng Batangas ang mga academe representatives ng Mariano Marcos State University (MMSU) ng Batac, Ilocos Norte upang isagawa ang serye ng dayalogo at site visits sa mga salt farms dito para pag-aralan ang pagpapalakas ng industriya ng asin sa mga napiling salt-producing provinces sa iba’t-ibang rehiyon sa Pilipinas.
Ang proyekto ay bahagi ng 2-year program na tinatawag na “Development of Sustainable and Climate Resilient Salterns: Best Practices, Standardization, Site Mapping and Design of Pilot Saltern Farms” ng Department of Science and Technology Science for Change Program (DOST S4CP)- Niche Centers (NICER).
Layunin ng nasabing inisyatibo ang pagpapalakas ng kapasidad ng pag-ani ng mga asinan sa bansa, pagkakaroon ng climate resilient salterns at pagpapalakas at pag-aaral ng mga makabagong pamamaraan at teknolohiya. Sa ganun, inaasahang makakapagtayo ng mga sustainable and modern salt farms na makakapagbigay ng economic benefits sa mga kanayunan, na may potensyal na maging pangunahing anihan ng de-kalidad na asin sa bansa.
Sa pakikipag-ugnayan ng mga kinatawan ng MMSU, kasama si Dr. Rodel Utrera, project staff ng Accelerating Salt Research and Innovation (ASIN)-Project 1 sa Batangas Office of Provincial Agriculturist (OPA), nakipagpulong ang mga ito sa mga opisyal ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pangunguna ni Provincial Administrator Wilfredo Racelis, nitong ika-26 ng Pebrero 2025 sa Kapitolyo.
Sa presentasyon ni Dr. Utrera, isa ang Lalawigan ng Batangas sa may mga pinakamalaking potensyal sa pag-papalago ng salt industry sa bansa dahil sa mga komunidad nito na aktibong nagpapaktakbo ng mga salt farms sa mga bayang malapit sa baybaying dagat nito.
Naging positibo ang tugon ng Kapitolyo sa pag-aaral at ipinaabot sa delegasyon na isang daang porsyento ang suporta nito sa mga isinasagawang mga pag-aaral at pagsasaliksik upang magkaroon ng moderno at de kalidad na industriya ng asinan sa Batangas.
Sa tatlong araw na site visit and mapping ng mga salterns, nagtungo ang research teams sa mga asinan sa mga Bayan ng Lobo, San Juan, Calatagan at Lian. / Edwin V. Zabarte/ Photo By Francis Milla – Batangas Capitol PIO