April 7, 2020
Gov. DoDo: Implementasyon ng UHC law para Maipagawa ang Quarantine Zones
Nakakasa na at kasalukuyang inihahanda ang pagsasaayos ng mga evacuation centers sa Lalawigan ng Batangas, kabilang ang gymnasium ng Batangas Provincial Sports Complex sa Bolbok, Lungsod ng Batangas, upang magamit bilang Quarantine Zones para sa Persons Under Investigation (PUIs) at Persons Under Monitoring (PUMs) sa COVID-19 disease. Pinag-aaralan din ang agarang maitutulong sa Batangas Medical Center (BatMC) upang mapataas ang kanilang kakayahan sa pangangalaga ng mga pasyenteng kompirmadong positibo sa new corona virus.
Ito ang naging tugon ni Batangas Governor DoDo Mandanas sa panukala ng Private Hospitals Association of Batangas (PHAB), sa pangunguna ni Dr. Robert Magsino, na magtalaga ng mga Provincial Covid-19 Healthcare Network of Referral Hospitals.
Magtalaga ng Eksklusibong Covid-19 Referral Hospitals
Sa liham ng PHAB, hiniling nila ang agarang aksyon ng Department of Health (DOH) – Center for Health Development Region IV-A at Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, upang makapagtakda ng government-owned healthcare facilities na tututok lamang sa clinical care management ng lahat ng Covid-19 – related cases sa lalawigan.
Ayon kay Dr. Magsino, ang pangulo ng Mary Mediatrix Medical Center sa Lungsod ng Lipa, mahalaga ito upang ang mga pasyenteng may kinalaman sa Covid-19 ay sa iilang ospital lamang dadalhin at tututukan, at hindi kalat-kalat sa lahat ng pagamutan sa Batangas Province. Mas madali rin aniyang makapagbuhos sa mga itatalagang ospital ng mga medical resources para sa wastong pangangalaga sa mga may sakit.
Sa ganitong paraan, sa paglalahad ng PHAB, maiiwasan na masaid ang mga resources ng maraming pribadong ospital na kapwa tumatanggap ng mga Covid-19 at non-Covid-19 patients, at magkaroon ng patong-patong na kaso pag nagkahawa-hawa ang mga pasyente.
Umaaksyon ang Batangas Capitol
Nakapagpadala na rin ng pormal ng liham si Gov. Mandanas kay DOH Secretary Francisco Duque III, kung saan, hiniling ng pamahalaang panlalawigan ang dagliang ganap na implementasyon ng Universal Health Care Law, at ang pagpapagamit ng Special Health Fund (SHF), sa pamamagitan ng Local Health Board ng lalawigan na ilang buwan nang naitatag.
Binigyang-diin ni Gov. Mandanas na ang SHF ang pinakamahalagang bahagi ng UHC upang magkaroon ng kinakailangang resources para maisagawa ang wastong health management sa mga local government units.
Sa pamamagitan ng SHF, agad na mapapasimulan ang pagsasaayos ng mga evacuation centers bilang quarantine zones, na may isang libong mga kama, sa loob ng dalawang linggo.
Makakapagdagdag din ang Kapitolyo ng mga medical practitioners, na may sapat na kagamitan, Personal Protective Equipment, at iba pang mga pangunahing pangangailangan, upang makasunod sa DOH accreditation.
Dahil dito, mas madaling ring makapagbibigay ng ayuda ang Kapitolyo sa BatMC, at maaari pang makapagdagdag ng mga hospital beds sa mga pribadong ospital, na nangangalaga sa kasalukuyan sa napakaraming PUIs.
Panukalang Batangas Healthcare Network
Iminumungkahi ng PHAB na ang BatMC ang maging main o central facility para sa Covid-19 patients, katuwang ang anim na district hospitals, Mabini Hospital at Ospital ng Lipa.
Sa mga nasabing government hospitals dadalhin ang mga pasyenteng may Covid-19 symptoms sa bawat distrito ng lalawigan. Bilang katuwang ng pamahalaan, tatanggapin naman ng mga pribadong ospital ang mga non-Covid-19 patients na nasa mga pampublikong pagamutan.
Negatibong Reaksyon
Ibinahagi rin ni Gov. Mandanas na maraming negatibong reaksyon ang mga barangay at bayan kung nasaan ang mga pasilidad na planong gawing quarantine zones.
Kabilang ito sa kasalukuyang isinasaayos ng pamahalaang panlalawigan upang matugunan ang ikagagaling ng mga pasyente at medical frontliners, at kapakanan ng mga komunidad na maaaring maapektuhan.
Batangas Capitol PIO