February 12, 2025
Ibinahagi ng mga opisyal ng Philippine Coconut Authority IV-A (PCA) sa mga kasapi ng Batangas Coconut Seed Farm Project – Technical Working Group, sa isang pagpupulong sa Bayan ng San Juan, Batangas, ang mga kaganapan at updates na kasalukuyang isinasagawa sa Barangay Imelda, San Juan.
Sa presentasyon kahapon, ika-11 ng Pebrero 2025, ng PCA, sa pangunguna ni Ginoong Alexis P. Mojica, acting Division Chief ng PCA Batangas-Cavite, isinasagawa na ang mga proyektong kinakailangan upang magkaroon ng support system ang pagpapalago ng coconut plantation sa 10 ektaryang lupain ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, na sa kasalukuyan ay may kabuaang bilang na 2,280 green tacunan dwarf coconut seedlings.
Ang mga niyog ay nakatanim sa pamamagitan ng tinatawag na G-3PH farming method, na sinasabing akma sa klima na namamayagpag sa Brgy. Imelda at inaasahang magdudulot ng tamang paglaki ng mga seedlings at makakapagbigay ng maraming ani.
Tinatayang makakapagpadaloy na ng tuloy-tuloy ang irrigation system o magiging fully-operational na ito sa buwan ng Abril 2025. Patuloy din ang pagbabakod sa lupain. Tinatayang aabot sa 4,290 coco seedlings ang itatanim sa lupain ayon sa ng pamahalaang panlalawigan.
Layunin ng pamahalaang panlalawigan, sa pangunguna ni Governor DoDo Mandanas, katuwang ang PCA, na mapasigla ang lokal na ekonomiya sa Batangas sa pamamagitan ng pagpapalakas ng food production sa papamagitan ng pagpapalago ng mga high value crops sa Batangas at sa buong Region IV-A.
Kabilang ang industriya ng niyog sa lalawigan na inaasahang patuloy na mapagkukunan ng kabuhayan lalo na sa mga marginalized farmers.
Sa kasunduan sa pagitan ng Batangas at PCA, 70-30% ang pagbabahagi ng tubo na itinakda kung saan 30 porsyento ng mga kikitain dito ay mapupunta sa kaban ng pamahalaang panlalawigan, samantalang ang 70% ay kabahagi ng PCA. Ang mga pondong makakalap ng PCA ay mailalaan naman ng ahensya sa mga kagayang proyekto sa ibang mga bayan at probinsya.
Bukod sa niyugan, ang nasabing lugar ay maaaring mapagkakitaan sa ibang mga paraan, bukod sa pagiging agricultural site. Sa isinagawang pag-aaral, malakas din ang potensyal nito para mga proyektong nakatuon sa agro – tourism, bunga ng magandang lokasyon nito na malapit sa at tinatanaw ang baybaying dagat.
Ang delegasyon ng Kapitolyo at PCA ay malugod na tinangap ng Pamahalaan Bayan ng San Juan, sa pangunguna ni Mayor Beebong Salud, na kinatawan ni Municipal Administrator Annalyn Macaraig.
✍Edwin V. Zabarte Batangas-PIO