September 9, 2024
Bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika at Nasyonalismo, matagumpay na idinaos ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas ang ika-Pitong Patimpalak ng ‘Spoken Poetry’ o Makabagong Panunula, isang proyekto ni 5th District Senior Board Member Claudette Ambida, na ginanap sa Provincial Auditorium, Capitol Compound, Lungsod ng Batangas noong ika-7 ng Setyembre 2024.
Hinirang na kampeon si Ashley Alexis G. Pagsamba ng Batangas City Integrated School, na nakatanggap ng tropeo, sertipiko at cash prize na nagkakahalaga ng ₱7,000. Pumangalawa si Crisha B. Pagcaliwagan mula sa Tingga Soro-Soro Integrated School, na tumanggap din ng tropeo, sertipiko at ₱5,000, habang pumangatlo si Claire Lian Roxanne a. Martinez ng Batangas State University – Integrated School na tumanggap ng tropeo, sertipiko at ₱3,000.
Ang nasabing paligsahan ay naisakatuparan sa pagtutulungan ng Kapitolyo, Girl Scouts of the Philippines Batangas City, Soroptimist International Kabatangueña, JCI Caballero Batangas, Rotary Club of Batangas at Department of Education (DepEd).
Layunin ng kompetisyon na lalong mapahalagahan ang wikang pambansa at buhayin ang paggamit ng sariling wika. Sa gabay ng temang “Problemang Pangkabataan, Paano Masosolusyunan?,” binigyan ng tig-tatlo hanggang limang minuto ang 22 na mga kalahok, na pawang mga mag-aaral mula sa iba’t-ibang pribado at pampublikong paaralan sa Lungsod ng Batangas upang maipamalas ang kani-kanilang taglay na angking galing at talento sa pagtatanghal ng kanilang orihinal at sariling tula.
Ang Makabagong Panunula, na ngayon ay isa nang taunang paligsahan, ay isinasagawa sa pamamagitan ng pagpepresenta o pagtatanghal na ginagamitan lamang ng salita.
Ang spoken word poetry, bilang isang nauusong uri ng sining sa mga kabataan ay ang paggamit ng word play na naaakma sa paksa, tono ng boses o intonasyon at kung minsan ay maaaring lapatan ng musika upang ipahayag ang saloobin at pumukaw ng atensyon.
Ang bawat kalahok, na pawang nakatanggap ng sertipiko at premyo, ay hinusgahan sa pamamagitan ng pamantayang kinapapalooban ng mensahe o nilalaman ng piyesa, pagtatanghal, memorya, at linaw at ganda ng boses o pagsasalita.
Nagsilbing mga hurado sina Mr. Emil Ramos, Social Media Influencer; Mr. Antonio Bathan Jr, Spoken Word Poetry Artist; at DepEd Education Curriculum Implementation Division Chief, Dr. Socorro Comia.
Sa naging pahayag ni Bokal Ambida, ang patimpalak ay bahagi ng pagsasagawa ng mga makabuluhan at napapanahong mga programang may kinalaman sa wika at kulturang Filipino. Ipinaabot din niya ang pasasalamat sa patuloy na pagsuporta ng lahat ng paaraalan dahilan sa pag abot nito sa ika-pitong taon na kompetisyon. Junjun Hara De Chavez – Batangas Capitol PIO