Naghatid ng agarang tulong ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pangunguna ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), sa may 192 na pamilya na naapektuhan ng sunog sa Barangay Wawa sa Lungsod ng Batangas.
Sa pakikipag-ugnayan ng PSWDO sa Batangas City Social Welfare and Development Office at iba pang tanggapan ng pamahalaang panlungsod, naisagawa ang relief distribution noong ika-18 ng Enero 2022, kung saan naipagkaloob sa mga apektadong pamilya ang mga food packs na may lamang bigas, bottled water, kape, instant noodles, at canned goods.
Kabilang rin sa naipamahagi ang ilang mga non-food items o commodities tulad ng hygiene kits, empty cans, timba, blankets, mosquito nets, at diapers.
Sa harap naman ng patuloy na pagtaas ng mga kaso dulot ng bagong variant ng COVID-19, binigyang-prayoridad din ng PSWDO na makapaghatid ng essential kits, na naglalaman ng mga cloth at N95 face masks.
Ayon kay Governor DoDo Mandanas, tuloy-tuloy ang magiging pagtutok ng PSWDO sa naganap na insidente para sa iba pang maaaring maihatid na suporta sa mga nasunugan. Personal ding nagpahatid ng tulong sina Vice Gov. Mark Leviste, at 5th District Board Members Claudette Ambida at Bart Blanco sa mga kababayan.
Sa kasalukuyan, nananatili ang karamihan sa mga naapektuhan ng sunog sa Wawa Elementary School, na nagsisilbi ngayong evacuation center. Ayon sa ulat na natanggap ng PSWDO mula sa City Social Welfare and Development Office, may ilan ding pamilya at indibidwal na outside evacuees o nananatili sa ibang centers o lugar sa lungsod.
Samantala, naglabas naman ng paalala ang pamahalaang panlungsod para sa mga nais mag-abot ng tulong na mga pagkain, inuming tubig, face mask, at hygiene kit ang ibigay na donasyon sa mga biktima, sa halip na mga nagamit na o pinaglumaan na mga damit. Maaaring dalhin ang mga ito sa Wawa Elementary School, na itinalagang donation hub para sa maayos na pamamahala at distribusyon.
Naganap ang residential fire incident sa Sitio Badjaoan, Barangay Wawa sa Lungsod ng Batangas noong ika-17 ng Enero 2022.
Mark Jonathan M. Macaraig – Batangas Capitol PIO