March 14, 2025
Isang natatanging rekognisyon ang iginawad ng Pamahalaang Nasyunal sa Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas matapos itong kilalanin bilang isa sa mga lokal na pamahalaan sa bansa na nagpapakita ng pagsuporta at malaking kontribusyon sa adhikain ng pamahalaan pagdating sa aspeto ng “ease of doing business at strategic investment.”
Ang naturang pagkilala ay ipinagkaloob sa ginanap na 1st Gawad Bayanihan sa Pamumuhunan Milestone Event: Making It Happen with a Whole-of-Nation Strategy Awarding Ceremony ng Department of Trade and Industry – Board of Investments (DTI – BOI) noong ika-13 ng Marso 2025 sa Ceremonial Hall sa Malacañan Palace.
Personal na pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., ang nasabing aktibidad, na bahagi ng matagumpay na implementasyon ng pagpapalawig ng pamahalaang nasyunal sa inisyatibo nitong nationwide Ease of Doing Business sa pamamagitan ng inilabas na Executive Order (EO) No. 18 o Constituting Green Lanes for Strategic Investments noong ika-23 ng Pebrero 2023. Naging katuwang ng Pangulo sa paggagawad ng mga pagkilala sina Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla at Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Cristina Aldeguer Roque.
Mismong si Governor Hermilando Mandanas, kasama si Provincial Cooperative, Livelihood and Enterprise Development Officer (PCLEDO) Celia Atienza, ang tumanggap ng pagkilala. Dito ay kinilala ang pamahalaag panlalawigan, sa ilalim ng pamumuno ni Gov. Mandanas, para sa mga ginawang hakbang nito upang maitaguyod ang mabilis at maayos na mga istratehiya sa larangan ng pamumuhunan at pagsusulong ng ekonomiya, na malaking bagay hindi lamang para sa Lalawigan ng Batangas kung hindi pati na rin bansa.
Kaugnay rin ito sa “exceptional efforts” at “invaluable contributions” ng lalawigan sa pagkakaroon ng mabilis at wastong pag-proseso ng mga kinakailangang permits ng mga mamumuhunan para makapagpatayo ng negosyo sa Batangas, na malaking tulong para sa ekonomiya at paglikha ng mas maraming oportunidad o trabaho. Ang nabanggit ay kumakatawan din sa layunin ng pamahalaan na maalis ang red tape, magsulong ng business-friendly environment, at magkaroon ng agarang katuparan ang pagpapaganap ng mga programa o proyekto.
Tema ng idinaos na pagtitipon, na dinaluhan ng iba’t ibang mga kinatawan mula sa mga pambansang ahensya at lokal na pamahalaan sa bansa, ay “Making it Happen with a Whole-of-Nation Strategy.”
✎: 𝗠𝗮𝗿𝗸 𝗝𝗼𝗻𝗮𝘁𝗵𝗮𝗻 𝗠. 𝗠𝗮𝗰𝗮𝗿𝗮𝗶𝗴 / 𝗣𝗵𝗼𝘁𝗼𝘀: 𝗣𝗿𝗲𝘀𝗶𝗱𝗲𝗻𝘁𝗶𝗮𝗹 𝗖𝗼𝗺𝗺𝘂𝗻𝗶𝗰𝗮𝘁𝗶𝗼𝗻𝘀 𝗢𝗳𝗳𝗶𝗰𝗲 𝗙𝗮𝗰𝗲𝗯𝗼𝗼𝗸 𝗣𝗮𝗴𝗲– 𝗕𝗮𝘁𝗮𝗻𝗴𝗮𝘀 𝗖𝗮𝗽𝗶𝘁𝗼𝗹 𝗣𝗜𝗢