November 12, 2024
Matagumpay na inilunsad ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, katuwang ang Pamahalaang Bayan ng Balayan, ang “ALA EEE (Educate, Engage, Empower) Zero Waste Tiangge Project” ngayong araw, Nobyembre 12, 2024 sa AGAP Bldg., Barangay Caloocan, Balayan.
Ang proyekto, na isinagawa sa pangunguna ng Provincial Government Environment and Natural Resources Office (PGENRO), kabalikat ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, ay naglalayong mabawasan ang basurang lumalason sa kapaligiran, partikular sa mga ilog at karagatan.
Isa sa mga pangunahing gawain ng proyekto ay ang pagbibigay kaalaman at kasanayan sa mga tindahan at sari-sari store upang maipagbili ang kanilang mga produkto sa pamamagitan ng “refilling o takal-takal system.” Sa ganitong paraan, inaasahang makatutulong ang proyekto sa pag-iwas o pagbawas ng paggamit ng mga plastic sachets.
Bilang bahagi ng inisyatibo, sampung benepisyaryo mula sa anim na mga coastal barangay ng Balayan ang tumanggap ng “multi-purpose rack o micro-refilling store.”
Ayon kay Dr. Marivic Esmas, PGENRO Assistant Department Head, mahalagang pagtuunan ng pansin ang tamang pamamahala ng basura, lalo na at nangunguna ang Pilipinas bilang pinakamalaking ocean plastic contributor sa buong mundo.
Nanawagan naman si PGENRO Chief Luis A. Awitan sa mga lokal na pamahalaan at publiko na suportahan ang proyekto at hikayatin ang mga residente ng bawat barangay na tangkilikin ang mga kalahok na tindahan.
Dumalo rin sa aktibidad sina Balayan Municipal Environment and Natural Resources Officer, Engr. Albert Calingasan, Local Economic Development and Investment Promotion Officer Joy Inciong, mga kinatawan ng Tetra Pack Philippines at Batangas State University, at mga opisyales mula sa pamahalaang barangay at bayan ng Balayan.
Jun Magnaye / Photos: Junjun De Chavez – Batangas Capitol PIO