July 31, 2024
Bunot ng Niyog Gagamiting Oil Spill Booms
Magiting na umaksyon ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa inisyatibo ni Governor DoDo Mandanas at sa pamamagitan ng Office of the Provincial Agriculturist (OPAg), upang maghatid ng mga Coconut Plucked o Husks noong araw ng Martes, ika-30 ng Hulyo 2024, sa Lubao Bamboo Hub and Eco -Park, Sta. Catalina, Lubao, Pampanga.
Naunang nagtungo ang OPAg, na pinangunahan ni Ginoong John Mark Pangilinan, Senior Aquaculturist, sa Bayan ng San Juan upang isagawa ang courtesy call sa Municipal Environmental and Natural Resources Office (MENRO) para sa mga ipapadala ng lalawigan na Coconut Husk and Shredded Husk o bunot ng niyog, na sa nasabing bayan magmumula.
Ang dalawang truck ng mga bunot ng niyog ay magsisilbing panangga sa naging Oil Spill na dulot ng paglubog ng oil tanker na MT Terra Nova sa Manila Bay na sakop ng Lalawigan ng Bataan.
Ang agarang paghahanda ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pampanga sa oil spill ay upang maprotektahan ang mga fisherfolks at aquaculture industry ng lalawigan. Ang Pampanga ang isa sa top producers ng shrimps, crabs at tilapia sa buong Pilipinas.
”Kami po ay taos pusong nagpapasalamat dahil sa tulong po na ibinigay ng Lalawigan ng Batangas,” ayon kay Ms. Irene Villar, Assistant Department Head ng PGENRO ng Pampanga. “Napakalaking bagay po nito lalo na at kailangan naming makapaghanda at makapagpagawa ng organic oil spill booms sa lalong madaling panahon.”
Naging katuwang at kaagapay ng OPAg sa naturang gawain ang Philippine Coconut Authority, Municipal Government of San Juan, Provincial Information Office at Provincial Engineering Office.
Junjun Hara De Chavez. – Batangas Capitol PIO