“Bantay ASF sa Barangay” at “Recovery and Repopulation” Programs ng DA, Inilunsad sa Lalawigan ng Batangas

Alay na Dugo sa Araw ng mga Puso
February 16, 2021
Pagpangalan sa Kaybiang Tunnel Bilang Apacible Tunnel, Isinulong ni BM Rosales
February 19, 2021

February 19, 2021

“BABay ASF” sa Batangas. Personal na nagtungo si Department of Agriculture Secretary William D. Dar upang pangunahan ang pormal na paglulunsad ng mga programang Bantay ASF sa Barangay (BABay ASF) at Hog Industry Recovery and Repopulation na tutugon upang epektibong mapigilan ang pagkalat ng African Swine Fever (ASF) at muling buhayin ang industriya ng pagba-baboy. Isinagawa ang launching noong ika-11 ng Pebrero 2021 na ginanap sa DREAM Zone Capitol Grounds, Lungsod ng Batangas. Mark Jonathan M. Macaraig / Photo: Junjun De Chavez – Batangas PIO

“We have chosen Batangas because we know we have a partner in the Provincial Government [under the leadership of Governor DoDo Mandanas] that really are strong, systematic, and to the forthcoming for the various interventions, technologies, and innovations that we want to have.”

Ito ang binigyang-diin ni Department of Agriculture (DA) Secretary William D. Dar, matapos mapili ang Lalawigan ng Batangas para pormal na mailunsad ng naturang kagawaran ang mga programang Bantay ASF sa Barangay (BABay ASF) at Hog Industry Recovery and Repopulation na tutugon upang epektibong mapigilan ang pagkalat ng African Swine Fever (ASF) at muling buhayin ang industriya ng pagba-baboy.

Sa isinagawang launchinpag ng dalawang programa noong ika-11 ng Pebrero 2021, na ginanap sa DREAM Zone Capitol Grounds, Lungsod ng Batangas, ipinunto ni DA Secretary Dar na dahil sa ang lalawigan ang naging pilot area para maipakilala ng husto ang mga nasabing inisyatibo, ito na ang magsisilbing bagong plataporma sa pagsugpo ng African Swine Fever bilang bahagi na rin ng Whole-of-Nation Measures ng pamahalaang nasyunal.

Ang Bantay ASF sa Barangay o BABay ASF ay isang collaborative initiative ng Department of Agriculture – National Livestock Program (DA – NLP), Department of the Interior and Local Government (DILG), Philippine College of Swine Practitioners (PCSP), mga Local Government Units, academe, relevant government agencies, at pribadong sektor.

Ang BABay ASF ay magkakaroon ng nationwide implemention, na may layuning maibaba ang iba’t-ibang ginagawang pag-aksyon o pagpapalawig ng disease response, biosecurity, monitoring, at surveillance sa itinuturing na pinakamaliit na yunit ng pamahalaan, ang mga barangay.

Tutuganan naman ng Integrated National Swine Production Initiative for Recovery and Expansion (INSPIRE) program o mas kilala sa tawag na repopulation program ang pagpapanumbalik sa sigla ng hog industry. Ito ay upang matiyak naman ang availability, accessibility, at affordability ng mga alagang baboy at maging ng mga pork products.

Dito ay nakatakdang mamahagi ang DA ng mga alagang baboy sa mga pig raisers at farmers sa mga lugar na hindi apektado ng ASF. Inaasahan na sa dulo ng proseso ng programa ay makapagbibigay-daan ito upang maparami ang hog population at tumaas ang suplay ng karneng baboy na ibinebenta sa merkado.

Ipinarating naman ni Governor DoDo Mandanas, sa kaniyang naging mensahe sa pamamagitan ng online audio and video conferencing, ang buong suporta ng probinsya ng Batangas, partikular ng pamahalaang Panlalawigan, sa dalawang natatanging programa ng kagawaran.

“Ang Lalawigan ng Batangas, ating ipinahahayag, kasama ang ating sanggunian at lahat ng mga naglilingkod sa pamahalaan, ay tataya at nakataya upang sama-sama natin na talagang puksain itong African Swine Fever,” saad ng gobernador.

Dagdag pa nito, handa aniyang sumunod ang Kapitolyo sa lahat ng ipagkakatiwala ng kagawaran na inaasahan na tunay na makatutulong para sa masugpo ang mga suliranin na dala ng ASF. Nakahanda rin ang lalawigan na gamitin ang mga resources nang sa gayon ay patuloy na maisulong ang food security, hindi lamang sa Batangas, kung hindi pati na rin sa buong bansa.

“Batangas, if by all indicators, is the [highly] agri-industrialized province in the whole country…and that’s why every opportunity na puwede nating palakasin pa ang Lalawigan ng Batangas para makita natin na ehemplo [ito sa] minimithi na agri-industrialization strategy…[kaya] talagang malapit sa puso at damdamin ng Kagawaran ng Pagsasaka ang lalawigan ng Batangas,‘’ dagdag ni Secretary Dar.

Samantala, naging bahagi rin ng ceremonial launching ang paglagda sa Pledge of Commitment, na sinundan ng paggagawad ng iba’t-ibang suporta at interbensyon ng kagawaran kabilang ang turn-over ng ASF Nanogold Biosensor Test Kits sa mga local piggery owners sa lalawigan. Dito ay agarang masusuri kung infected ng naturang sakit ang mga alagang baboy.

Kabilang sa mga nakiisa sa paglulunsad ng mga programa sina Vice Governor Mark Leviste, Provincial Administrator Librado Dimaunahan, Provincial Veterinarian, Dr. Rommel Marasigan, mga opisyal ng Department of Agriculture, mga kinatawan mula sa national agencies at local government units, state colleges and universities, at mga bisita mula sa pribadong sektor.

Mark Jonathan M. Macaraig – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.