Bagong Provincial Planning & Development Officer, Provincial Assessor, aprubado na ng SP

Batangas, ginawaran ng Beyond Compliant Rating sa 24th Gawad KALASAG Seal for Local DRRM Councils and Offices
February 3, 2025
Vacant Positions in Provincial Government of Batangas (Feb. 4, 2025)
February 4, 2025

February 4, 2025

Dalawang bagong talagang department heads ang muling nakakuha ng pagsang-ayon at kumpirmasyon ng kani-kanilang appointment mula sa mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan.

Una rito ay si Environmental Planner (EnP) Marisa Mendoza bilang bagong department head ng Provincial Planning and Development Office (PPDO). Nagsimula ang karera ni Mendoza sa Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas noong taong 1995 bilang Casual Clerk I sa ilalim ng Office of the Governor – Provincial Tourism Office.

Makalipas ang ilang taon, mula sa kaniyang pagiging clerk, tumakbo ang serbisyo ni Mendoza sa Kapitolyo sa pagkakaroon ng pagkakataon na mabigyan ng tiwala at oportunidad upang makapaglingkod sa mas mataas na posisyon. Taong 2012 ng siya ay naitalaga bilang Assistant Department Head ng PPDO, posisyon na kaniyang hinawakan bago matanggap ang appointment bilang bagong PPD Coordinator.

Batay pa sa kaniyang isinumiteng kuwalipikasyon, siya ay may kabuuang dalawampu’t anim na taong karanasan sa larangan ng development planning, isang ganap na licensed Environmental Planner, at nakapagtapos ng kursong Master in Public Administration. Si Mendoza ay mayroong iba’t ibang mga pagsasanay na dinaluhan, ilan dito ay mula sa League of Local Planning and Development Coordinators of the Philippines at National Economic Development Authority.

Ang ikalawang bagong talagang opisyal ng Kapitolyo ay si Ginoong Joselito Javier na mamumuno naman bilang puno ng tanggapan ng Provincial Assessor’s Office. Si Javier ay nagsimulang maglingkod para sa pamahalaang panlalawigan noong taong 2002 bilang Local Assessment Operations Officer sa nabanggit na opisina. Kalaunan, taong 2007 naman nang siya ay pormal na manumpa bilang Assistant Department head o Assistant Provincial Assessor.

Si Javier ay may dalawampu’t tatlong taong karanasan sa patungkol sa real property assessment at isang licensed Real Estate Appraiser. Kagaya ni Mendoza, si Javier ay mayroon ding mga pagsasanay na may kaugnayan sa kaniyang propesyong tinahak, kabilang dito ang mga trainings na isinagawa ng Philippine Association of Assessing Officers, Inc. at Bureau of Local Government Finance.

Ang confirmation at approval ng concurrence of appointment nina Mendoza at Javier ay isinagawa sa ginanap na SP Special Session na pinangunahan ni Vice Governor Mark Leviste noong ika-31 ng Enero 2025.

Bago ang opisyal na pag-apruba ng Sanggunian sa appointment, sumailalim muna ang dalawa sa idinaos na assessment and evaluation noong ika-30 ng Enero 2025 ng Committee on Human Resource, na pinangunahan ng chairperson nito na si 1st District Board Member Junjun Rosales, kasama sina Provincial Administrator Wilfredo Racelis, Provincial Human Resource Management Office (PHRMO) Department Head Madonna Bicol, at Provincial Budget Office Assistant Department Head Edwin Untalan.

Nagpaabot naman ng kaniyang pagbati si Governor Hermilando Mandanas sa dalawang newly-approved department heads noong ika-3 ng Pebrero 2025, kasabay ng flag ceremony kung saan tampok ang panunumpa ng ilang mga newly-appointed and promoted employees ng pamahalaang panlalawigan. Binati rin ng mga miyembro ng SP ang dalawa matapos dumalo ang mga ito sa idinaos na 6th Regular Session sa Salvador H. Laurel Hall, Apolinario Mabini Legislative Building, Capitol Site, Batangas City ng kaparehong araw.

✎: 𝙈𝙖𝙧𝙠 𝙅𝙤𝙣𝙖𝙩𝙝𝙖𝙣 𝙈. 𝙈𝙖𝙘𝙖𝙧𝙖𝙞𝙜 / 𝙈𝙖𝙘𝙑𝙚𝙣 𝙊𝙘𝙖𝙢𝙥𝙤 – 𝘽𝙖𝙩𝙖𝙣𝙜𝙖𝙨 𝘾𝙖𝙥𝙞𝙩𝙤𝙡 𝙋𝙄𝙊

Please follow and like us:
fb-share-icon
Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.