June 20, 2022
Batangas Capitol: Malaki ang Hinaharap na Progreso ng Lalawigan sa mga Darating na Panahon
Naging bahagi ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas sa ginanap na inauguration ceremony ng Integrated Passenger Terminal Building (PTB) Project ng Port of Batangas sa Lungsod ng Batangas noong ika-14 ng Hunyo 2022.
Naging kinatawan ni Governor DoDo Mandanas si Provincial Administrator Wilfredo Racelis sa pagpapasinaya ng 15,000 square meter – PTB, na pinangunahan nina Department of Transportation (DOTr) Secretary Art Tugade, Philippine Ports Authority (PPA) General Manager Jay Santiago, at Asian Terminals Inc. (ATI) President Eusebio Tanco.
Ang bago at modernong Batangas Port ay may total project cost na ₱1.5 billion, sang-ayon sa kasunduan sa pagitan ng PPA at ATI, bilang bahagi ng ‘Build, Build, Build’ legacy program ng Duterte administration.
Sa kasalukuyan, ang natapos na Phases 1 at 2A ng proyekto ay magbibigay-daan para makapagserbisyo sa 4,000 na katao anumang oras. Ayon naman kay PPA General Manager Santiago, sa oras na matapos ang konstruksyon sa phase 2B ng terminal, maaari na itong makapag-accommodate ng nasa 6,000 na pasahero, at nakatakdang maging isa sa pinakamalaking pantalan sa bansa.
Hatid na pagbabago ng PTB ay ang mabilis at mas maayos na ticketing system, pagkakaroon ng Persons with Disability (PWD)-friendly facilities, nursing room, prayer room, charging stations, fully air-conditioned lounges, water refilling stations, pasalabong center kung saan tampok ang iba’t ibang locally-made na mga produkto, at state-of-the-art LED display, na nagpapakita ng schedules ng mga biyahe o pagdating at boarding time sa bawat destinasyon ng barko sa pantalan.
Samantala, malaki naman ang pasasalamat ng pamahalaang panlalawigan sa DOTr, PPA, at ATI para sa pagiging mahusay na katuwang ng Lalawigan ng Batangas tungo sa pagkamit ng kaunlaran ng probinsya.
“Malaking bagay po itong PTB sa Lalawigan ng Batangas at ito ay isang mahalagang ambag sa mga darating pang developments dito sa lalawigan,” ayon kay Ginoong Racelis.
Bukod dito, ipinabatid din ni Racelis sa kaniyang mensahe, na ang bagong passenger terminal building ay isang karagdagan sa napakaraming yaman ng lalawigan, patunay lamang sa pagiging ikalawa ng Batangas sa top rich provinces sa buong bansa.
Dagdag pa niya, na sa darating pang mga panahon ay makikita ang iba’t ibang proyekto na ipagaganap o isasagawa sa lalawigan, kabilang ang mga inaasahang proyekto na techno park ng Ayala Group sa Padre Garcia; pagbuo ng processing plants ng Korean investors sa bayan ng Ibaan; pagkonsidera ng dalawang malaking kumpanya na makapagpatayo ng expressway na may rutang Bauan – Nasugbu – Tagaytay, na naka-link o karugtong ng Cavite-Laguna Expressway; planong grains terminal project ng Department of Agriculture at katuwang na kooperatiba; at ang napipintong isang malaking proyekto na makapagpatayo ng smart logistics infrastructure, kung saan lumagda na ang pamahalaang panlalawigan sa isang Memorandum of Understanding, kasama ang Department of Trade and Industry at YCH Group.
Mark Jonathan M. Macaraig – Batangas Capitol PIO /
Photos: Department of Transportation – Philippines