May 20, 2022
Ipinagdiwang ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas ang “Araw ng mga Punong Barangay“ kahapon, ika-19 ng Mayo 2022, sa DREAM Zone, Capitol Compound, Lungsod ng Batangas.
Naisakatuparan ang pagbibigay-pugay sa 1,078 na mga kapitan o pangulo ng mga barangay ng Lalawigan ng Batangas sa pakikipag-ugnayan ng Provincial Assistance for Community Development Office (PACD), sa pamumuno ni Gng. Fredesvinda Mendoza, at tanggapan ni Batangas Provincial Liga ng mga Barangay President, Board Member Wilfredo Maliksi.
Layunin ng aktibidad na kilalanin ang mga ang mga nagsisilbing ama at ina ng bawat komunidad, na gumaganap na tulay ng publiko sa pamahalaan. Malaki ang bahagi ng mga kapitan sa wastong pagpapatupad ng mga programa, proyekto at aktibidad ng pamahalaan sa bawat sulok ng lipunan, at nakatutulong sa pagpapaabot ng tulong at serbisyo sa mga tao, lalo na sa mga higit na nangangailangan.
Sa kanyang mensahe, pinasalamatan ni Governor Hermilando “DoDo” Mandanas ang mga punong barangay sa kanilang paglilingkod ng tapat at masuhay. Binanggit din niya na malapit nang maipagkaloob ng pamahalaang panlalawigan sa mga barangay ang Multi-Purpose Rescue Vehicle (MRV) na inaasahang makakatulong sa iba’t ibang serbisyo publiko sa mga barangay.
Kinilala rin ang mga nagsilbing Provincial Presidents ng Liga ng mga Barangay sa lalawigan, at tumayong Board Members sa Sangguniang Panlalawigan, kabilang sina Ginoong Eligio C. Bautista (1998 – 2004), Ginoong Manolo Maloles ng Lungsod ng Sto. Tomas (2004 – 2007), Ginoong Ramon Matienzo ng Bayan ng Agoncillo (2007 – 2010), at Ginoong Herminigildo Dolor ng Bayan ng Bauan (2010 – 2016).
Nakiisa rin sa pagtitipon sina Vice Governor Mark Leviste, at mga kinatawan ng Department of the Interior and Local Government.
Batangas Capitol PIO