Appointment ng mga bagong Department Heads ng Pamahalaang Panlalawigan, aprubado na ng SP

Vacant Positions in Provincial Government of Batangas (Jan. 13, 2025)
January 13, 2025
Librong “365 Stories” ipinamahagi ng Kapitolyo sa mga pampublikong paaralan ng lalawigan
January 14, 2025

January 14, 2025

Sa pagpasok ng bagong taong 2025, kasabay nito ang ilang mga makabuluhang pagbabago para sa Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas. Kaugnay ito sa pantauhang pamamahala o human resource, kung saan dalawang bagong talagang department heads ang nakakuha ng pagsang-ayon at kumpirmasyon ng kani-kanilang appointment mula sa mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan.

Una rito ay si Dr. Rosalie Masangkay bilang bagong Provincial Health Officer II o Department Head ng Tanggapan ng Panlalawigang Pangkalusugan (PHO). Ang confirmation at approval ng kaniyang appointment ay isinagawa sa 1st Regular Session ng SP noong ika-3 ng Enero 2025.

Bago ang opisyal na pag-apruba ng SP sa appointment ni Dr. Masangkay, humarap muna siya sa ginanap na pagdinig noong ika-27 ng Disyembre 2024 ng Committee on Human Resource, na pinangunahan ng chairperson nito na si 1st District Board Member Junjun Rosales, kasama sina Provincial Human Resource Management Office (PHRMO) Department Head Madonna Bicol at Provincial Budget Office Assistant Department Head Edwin Untalan.

Si Dr. Masangkay ay may higit na 24 taong karanasan bilang isang medical practitioner. Bago siya magsilbi sa pamahalaang panlalawigan noong taong 2008, naglingkod muna siya sa Bayan ng Tingloy bilang Municipal Health Officer nito.

Ang ikalawa namang bagong talagang opisyal ng Kapitolyo ay si Atty. Cristino E. Judit na mamumuno naman bilang puno ng tanggapan ng Provincial Legal Office. Ang appointment ni Atty. Judit ay kinumpirma ng SP sa idinaos na 3rd Regular Session nito noong ika-13 ng Enero 2025.

Sumailalim din si Atty. Judit sa isang pagdinig para sa assessment and evaluation ng kaniyang kwalipikasyon noong ika-10 ng Enero 2025. Sa pangunguna ni BM Rosales, ang nasabing hearing ng Committee on Human Resource ay dinaluhan nina Provincial Administrator Wilfredo Racelis at PHRMO Assistant Department Head Anne De Castro.

Si Atty. Judit ay dating naglingkod bilang isang Regional Trial Court Judge. Siya ang itinalagang pumalit sa namayapang dating Provincial Legal Officer na si Atty. Cesar Castor, Sr.

Sa transisyong ito sa pamahalaang panlalawigan, umaasa si Governor Hermilando Mandanas na ang mga bagong naitalagang mamumuno sa nasabing mga tanggapan sa Kapitolyo ay maghahatid ng tuloy-tuloy na serbisyo at pag-unlad para sa kapakanan ng bawat isang mamamayang Batangueño.

✎: Mark Jonathan M. Macaraig – Batangas Capitol PIO

Please follow and like us:
fb-share-icon
Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.