July 12, 2017
Ampalaya Cordon Bleu at Ampalaya Embutido with Mango.
Ito ang mga winning entries sa isinasagawang Vegetable Cooking Challenge ng Provincial Health Office, na bahagi ng mga aktibidad para sa 43rd Nutrition Month Celebration, ngayong buwan ng Hulyo 2017.
Nakasentro sa creative na pagluluto ng ampalaya, isang napaka-sustansyang gulay na hindi nagugustuhang kainin dahil sa natural nitong mapait na lasa, ang contest ay naisagawa na sa 1st at 2nd Districts ng Lalawigan ng Batangas.
Ginanap sa Calaca ang paligsahan sa pagluluto sa unang distrito, kung saan nagwagi sa 7 entries ang Ampalaya Cordon Bleu ng bayan ng Lian. Samantala, naging host na bayan ang Mabini sa 2nd District kung saan napiling pinakamasarap naman ang luto ng taga San Pascual na Ampalaya Embutido with Mango.
Ang contest sa 3rd District ay gagawin sa Agoncillo sa July 18, habang sa 4th District naman ay gaganapin sa July 19 sa Padre Garcia. Ang mga winners sa bawat distrito ay magpapaligsahan sa isang Grand Cooking Challenge sa July 26 sa Kapitolyo na culminating activity ng Nutrition Month.
Nakatutok sa mga activities ang mga kawani ng Nutrition ng PHO, sa pangunguna nina Ms. Cynthia Lacaba, Divine Bauan at Digna Ilustre. Vince Altar – Batangas Capitol PIO