Alay na Dugo sa Araw ng mga Puso

Inauguration, Blessing Ceremony ng Batangas Provincial Animal Health Center and Diagnostic Lab, Idinaos
February 16, 2021
“Bantay ASF sa Barangay” at “Recovery and Repopulation” Programs ng DA, Inilunsad sa Lalawigan ng Batangas
February 19, 2021

February 16, 2021

Naging matagumpay ang kauna-unahang blood-letting ng Batangas Blood Council para sa taong 2021 matapos makalikom ng may kabuuang 160 bags ng dugo na nagmula sa hanay ng mga kapulisan sa lalawigan, kasama ang mga kawani ng Bureau of Fire Protection at iba pang mga uniformed personnel na boluntaryong nakiisa sa naturang aktibidad.

Ang nasabing pag-aalay ng dugo, na tinawag na Mobile Blood Donation at may temang “Alay na Dugo sa Araw ng mga Puso”, ay ginanap sa Camp General Miguel Malvar, Kumintang Ibaba, Batangas City noong ika-11 ng Pebrero 2021.

Ito ay naisakatuparan sa pamamagitan ng pinagsama-samang pagsisikap ng lahat ng mga bumubuo o kasaping miyembro ng blood council kabilang ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pamamagitan ng Provincial Health Office, sa ilalim ng pamumuno ni Dr. Rosvilinda Ozaeta; Batangas Provincial Police Office (BPPO), na pinamumunuan ni Police Coronel Rex Arvin Malimban; Philippine Red Cross – Batangas Chapter, Department of the Interior and Local Government – Batangas, Batangas Medical Center, at Department of Education – Batangas Province.

Bukod dito, naging katuwang din sa idinaos na blood-letting ang ilang mga pampublikong ahensya at pribadong organisasyon, kabilang ang Department of Health – Center for Health Development CALABARZON, at Soroptomist International Batangas Downtown.

Lubos ang naging pasasalamat ng pamunuan ng Batangas Blood Council, sa pangunguna ng bagong council chairperson na si Police Executive Master Sergeant Manuela Cueto, dahil pinaunlakan ng BPPO ang pagsasagawa ng Mobile Blood Donation sa loob ng nasabing kampo ng kapulisan sa lalawigan.

“Handa kaming tumulong sa anumang paraan para sa kaligtasan ng lahat, gayundin sa patuloy na pagtugon natin sa dalang epekto ng COVID-19 – sa paaran ng pagbibigay ng mga ayuda – at maging mga proyekto na may kinalaman sa pangangalaga sa kalikasan katulad ng pagtatanim ng mga puno,” ani P/Col. Malimban.

Ayon naman kay Governor Dodo Mandanas, lubos ang kaniyang kagalakan sa patuloy na suporta sa mga gawain na nakatuon sa kagalingang pantao at panlipunan, lalo na ang mga boluntaryong aktibidad gaya ng pagbibigay ng dugo. Dagdag pa ng gobernador, lagi aniyang dapat unahin ang kaligtasan ng mga kababayan, partikular ang mga may matitinding pangangailangan sa buhay.

Samantala, dahil sa patuloy na nararanasang pandemya, mahigpit na ipinatupad sa nasabing venue ang mga itinakdang minimum health standards, tulad ng paghuhugas o pag-disinfect ng kamay, pagkakaroon ng physical distancing, at pagsususot ng face mask at face shield.

Millicent Ramos – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry
2

Comments are closed.