Kabilang ang pagbabalik ng Lions Club Marker sa Kumintang Ibaba, Lungsod ng Batangas sa mga dininig sa Joint Committee Hearing ng Sangguniang Panlalawigan ng Batangas noong ika-19 ng Enero 2021 sa Claro M. Recto Legislative Hall, Vicente M. Noble Legislative Annex Building, Capitol Site, Batangas City.
Binigyang-linaw ni 5th District Board Member Arthur Blanco sa naturang pagpupulong na ang estatwang leon ng Batangas Lions Club sa panulukan ng Kumintang Ibaba ay naging isa nang simbolo o palatandaan ng Lungsod ng Batangas sa loob ng 40 taon.
Dagdag pa ni Blanco, sumasang-ayon siya, bilang isang kinatawan ng mga taga-Batangas City sa Sanggunian, na mailagay muli ang marker, kung mamarapatin sang-ayon sa batas at kung susuportahan ng pamahalaan panlalawigan.
Kaugnay nito, nagsalita rin si Batangas Lions Club President Luis Espina na kung maitatayong muli ang lion marker ay mas pag-iibayuhin pa nila ang kanilang community service bilang patunay na karapat-dapat na maibalik sa dating kinalalagyan ang simbolo ng kanilang pandaigdigang samahan.
Buo naman ang naging suporta ng lahat ng mga dumalo sa committee hearing, kung saan present din sina 5th District Senior Board Member Claudette Ambida, Provincial Engr. Gilbert Gatdula, Provincial Legal Officer Cesar Castor Sr., mga opisyal ng Pamahalaang Panlungsod ng Batangas, at mga kinatawan ng Batangas Lions Club.
Jayne Elarmo / Photo: Manila Bulletin Press Release – Batangas Capitol PIO