Maayos na trapiko, tungo sa isang Rich Batangas. Nilagdaan ni Batangas Governor DoDo Mandanas ang “Transport and Road Usage Code”, na sinaksihan ng may-akda nitong si 5th District Board Member Arthur Blanco, noong ika-4 ng Marso 2019 sa People’s Mansion, Capitol Compound, Lungsod ng Batangas. Photo: Eric Arellano – Batangas Capitol PIO
March 25, 2019

Pormal nang naisabatas ang “Transport and Road Usage Code”, na iniakda ni 5th District Board Member Arthur Blanco, nang lagdaan ito ni Batangas Governor DoDo Mandanas noong ika-4 ng Marso 2019.
Sumasaklaw ang nasabing ordinansa sa provincial at national roads sa Lalawigan ng Batangas. Ayon sa author nitong si BM Blanco, ang lokal na batas ay naglalayong mas paigtingin ang pagpapatupad ng mga panuntunan sa trapiko sa lalawigan upang mapagaan ang daloy ng trapiko, makaiwas sa kaguluhan sa lansangan at mapalakas ang ekonomiya sa lalawigan.
Sa pagpapatupad nito, ang pamahalaang panlalawigan ay magtatalaga ng hindi bababa sa 12 traffic enforcers, kung saan prayoridad ang mga dating sundalo o pulis, na makikipagtulungan sa Land Transportation Office (LTO), Traffic Management Group (TMG) at Provincial Peace and Order and Public Safety Department (PPOSD).
Dagdag pa ni BM Blanco, nakasaad din sa ordinansa ang pagpapataw ng multa sa mga motorista na ginagamit ang mga gilid ng provincial at national roads bilang paradahan, habang ang mga nakatayong poste ng kuryente, na nasa gitna ngayon ng mga bagong gawang road lanes, ay ipatatanggal.
Umaasa ang pamunuan ng Batangas Capitol na, sa pamamagitan ng naipasang ordinansa, magiging disiplinado na ang mga drayber at may-ari ng mga sasakyan, nang sa gayon ay maayos na magamit at mapakinabangan ang mga road-widening projects sa lalawigan.
Planong magsagawa muna ng isang dry-run, bago tuluyang ipatupad ang ordinansa sa lalawigan. – Marinela Jade Maneja, Batangas Capitol PIO