August 12, 2024
Naging matagumpay ang matamis na pagdiriwang ng Batangas Cacao and Chocolate Day na isinagawa noong ika-9 ng Agosto 2024 sa Provincial Auditorium, Capitol Compound, Batangas City.
Ang nasabing aktibidad, sa ikalawang taon ng pagdaraos nito, ay muling naisakatuparan sa pamamagitan ng Office of the Provincial Agriculturist (OPAg).
Personal na dumalo at nakiisa sa ceremonial ribbon-cutting sina OPAg Assistant Agriculturist, Gng. Luz M. Labit; Batangas Tourism and Cultural Affairs Office Head, Dr. Katrin Erika Buted; Batangas Cacao Growers Association President, Mr. Cayo V. Casanova; DTI Batangas Provincial Director, Gng. Leila Cabreros; DOST Batangas Supervising Science Research Specialist, Engr. Mhark Ellgine A. Libao; Philippine Coconut Authority Batangas Agriculturist II, Mr. Mark Joseph Lugatoc; at Department of Agriculture Agricultural Program Coordinating Office Staff, Mr. Michael Roma.
Nagbigay naman ng mensahe sa mga dumalo si Provincial Administrator Wilfredo Racelis, na nagsilbing kinatawan ni Governor Hermilando Mandanas. Dito ay ibinahagi niya ang mithiin ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas para sa industriya ng cacao, at ito ay ang mas makilala pa sa merkado ang mga produktong tsokolate na nagmumula sa Lalawigan ng Batangas.
Nasa mahigit isang daang mga magsasaka, chocolate makers at mga eksperto sa industriya ng cacao ang nagtipon-tipon, na pawang mga nagmula pa sa iba’t-ibang Farmer’s Association sa lalawigan, tulad ng mga Lungsod ng Calaca, Lipa, at Batangas, at mga Bayan ng Cuenca, Sta. Teresita, Mataasnakahoy, Taysan, San Jose, San Pascual, San Juan, Padre Garcia, at Bauan.
Naging bahagi rin ng nasabing aktibidad ang Techno-Forum kung saan nagkaroon ng pagkakataon na makapagbahagi ng kanilang kaalaman ang mga resource persons na sina Ms. Irene M. Becerra at Mr. Edgar Becerra, na silang may-ari ng Vin Vie Integrated Farm na matatagpuan sa Mataasnakahoy.
Bukod dito, ginanap din ang 2nd Batangas Finest Cacao Products Contest, kung saan nagpatagisan ang pinakamasarap na dark chocolate, hot choco, pure tablea, at milk chocolate.
Lubos ang naging pasasalamat ni OPAg Batangas Provincial Cacao Focal Person Diana Rose P. Manoy sa lahat ng mga dumalo sa ikalawang taon ng Batangas Cacao and Chocolate Day. Aniya, hangad niyang mas mapalawak pa ang bilang ng mga Cacao Growers Association sa 34 na LGUs ng probinsya.
Ang pagkakaroon ng Cacao and Chocolate Day celebration ng Batangas ay isang patunay sa patuloy na pagyabong ng industriya ng cacao sa lalawigan, na siyang nagbibigay hanapbuhay sa mga Batangueño at pagkakakilanlan sa mayamang agrikultura na mayroon ang Batangas.
Vinson-Roi De Chavez – Batangas Capitol PIO