April 1, 2019
Naging matagumpay ang 7th Urban Fire Olympics ng Bureau of Fire Protection noong Marso 28, 2019 na ginanap sa Batangas Sports Complex, Batangas City, kaugnay sa obserbasyon ng Fire Prevention Month.
Layunin ng Fire Olympics na masukat at makita ang galing ng iba’t ibang fire fighting units sa lalawigan; at, makapagbahagi ng kaalaman sa mga pamilya at kabataan tungkol sa pag-iwas sa sunog.
Ang nasabing aktibidad ay nilahukan ng 32 grupo mula sa iba’t-ibang bayan sa Lalawigan ng Batangas, na hinati sa tatlong kategorya – Barangay, Industrial at Senior High School.
Nagwagi at nakakuha ng premyo ang Munisipalidad ng Calaca at Lungsod ng Tanauan para sa kategoryang Industrial; at Lipa City Adventist School para naman sa kategorya ng Senior High School.
Naging saksi at panauhin sa pagtitipon sina Governor Dodo Mandanas, Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office Department Head Lito Castro, Bureau of Fire Protection Regional Director Chief Superintendent Jesus P. Fernandez at Provincial Director Superintendent Farida B. Ymballa.
Tema ng Buwan ng Pag-Iingat sa Sunog ngayong 2019 ang “Ligtas na Pilipinas Ating Kamtin, Bawat Pamilya ay Sanayin, Kaalaman sa Sunog ay Palawakin”. – Avelene P. Lope, z Batangas Capitol PIO