September 3, 2022
Muling nagtipon ang mga Local Youth Development Officers (LYDO) at mga Sangguniang Kabataan (SK) Presidents ng iba’t ibang munisipalidad at lunsod ng lalawigan para sa kanilang 3rd Quarterly Meeting and Evaluation, na pinangasiwaan ng Provincial Assistance for Community Development Office (PACD).
Ang pagpupulong, na isinagawa sa Apolinario Mabini Legislative Building, Capitol Compound, Lungsod ng Batangas noong ika-1 ng Setyembre 2022, ay dinaluhan din nina PACD Assistant Department Head Dado Macalintal, SK Provincial Federation President, Board Member Maria Louise Vale, at Department of the Interior and Local Government – Batangas Provincial Director Abigail N. Andres..
Pinangunahan ni PACD Youth and Sports Division Chief Arthur Caguitla ang pagsusuri sa pinaka-huling tala ng kanilang tanggapan tungkol sa bilang ng mga rehistrado at aktibong LYDO sa Lalawigan ng Batangas. Tinalakay nito na bukas at nakahanda ang kanilang tanggapan upang magpaabot ng tulong teknikal para sa pagbabalangkas ng mga planong nakalaan para sa mga mamamayan ng lalawigan.
Naging tampok rin sa naging aktibidad ang pagtalakay sa mga inamyendahang polisiya para sa implementasyon ng iba’t ibang programa, kwalipikasyon at pribilehiyo ng mga opisyal sa Sangguniang Kabataan (SK), at ang programa ng pamahalaang panlalawigan na Local Youth Organization Registration, kung saan hinihikayat ni Governor DoDo Mandanas na magpatala ang bawat grupo sa ating lalawigan upang makilala ng National Youth Commission bilang katuwang ng pamahalaan para sa katuparan ng maayos at mas aktibong inisyatibo at partisipasyon ng mga kabataan sa mga pamayanan.
Ayon kay PD Andres, ang nasabing pagtitipon ay simbolismo ng pagiging magkatuwang ng Local Youth Development Office at Sangguniang Kabataan ng bawat bayan para sa mas masigla at epektibong pagsasakatuparan ng mga programa, proyekto at aktibidad para sa kinakailangang paglago at pagpapa-unlad ng mga kabataang Batangueño.
Ornald M. Tabares, Jr./Photos: Macven Ocampo, Batangas PIO Capitol