August 31, 2023
Sa ikatlong pagkakaton sa taong 2024, muling natipon ang mga miyembro ng Batangas Marine Protected Area Network (BMPAN) at Batangas Bantay Dagat Network (BBDN) para sa Quarterly Joint Meeting noong ika-30 ng Agosto 2024 na ginanap sa Tanggapan ng Panlalawigang Pamahalaan ng Kapaligiran at Likas na Yaman (PGENRO) sa Kapitolyo, Lungsod ng Batangas.
Nagbigay ng pambungad na pananalita si PGENRO Head Luis Awitan sa naturang pagpupulong, na dinaluhan ng 14 coastal Local Government Units (LGUs) kasama ang mga katuwang nitong ahensya.
Sa pangunguna ni Lian MENRO Alvin Cirilo M. Jonson, na tumatayong BMPAN Chairperson, napagtalakayan ang mga update sa BMPAN at BBDN Strategic Management Plan 2024-2034. Gayundin, ang isasagawang Marine and Upland Wildlife Stranding Response Training sa darating na ika-18 hanggang ika-20 ng Setyembre 2024.
Inilatag naman ni BBDN Chairperson Rodrigo A. De Jesus ang estado ng panukalang panlalawigang ordinansa ukol sa pagbibigay ng honorarium sa mga miyembro ng BBDN.
Kaugnay nito, nagpasa ang kapulungan ng isang resolusyon na humihiling sa Senado at Kamara na makapagpasa rin ng batas patungkol sa pagkakaloob ng benepisyo at insentibo sa Bantay Dagat.
Bukod pa rito, kasama sa mga kapasiyahan na naaprubahan ang pagdaragdag ng miyembro sa mga network, partikular ang Bayan ng Taal sa BMPAN, at ang Lungsod ng Calaca, at mga Bayan ng Lian at Taal sa BBDN.
Samantala, patuloy na pinaghahandaan ng dalawang grupo ang pagpapatupad ng Closed Season sa pangingisda at ang pagsasagawa ng Batangas Recognition Awards for Verde Island Passage’s Outstanding (BRAVO) MPA and Bantay Dagat.
Ilan pa sa mga naging paksa ang MPA MEAT Validation Activity, Marine Route Survey Report at ang monitoring ng African Swine Fever (ASF) sa lalawigan.
Gian Marco / 📷 Francis Milla – Batangas Capitol PIO