Novermber 14, 2024
Nangibabaw ang diwa ng pagkakaisa at pagtutulungan matapos mapuno ng mga miyembro ng iba’t ibang kooperatiba, mula sa 6 na distrito ng Lalawigan ng Batangas, ang Provincial Auditorium sa Kapitolyo, Lungsod ng Batangas, noong ika-14 ng Nobyembre 2024, na sama-samang sumuporta sa ginanap na Culminating Activity para sa pagdiriwang ng Cooperative Month ngayong taon.
Sa gabay ng temang “Batangas: One Strong Cooperative Movement,” naging matagumpay ang naturang pagtitipon ng mga ‘cooperators,’ na aktibong pinangunahan ni Governor Hermilando Mandanas, at pinangasiwaan ng Provincial Cooperative, Livelihood, and Enterprise Development Office (PCLEDO) na nasa ilalim ng pamumuno ni Gng. Celia Atienza.
Highlight ng selebrasyon ang paggagawad ng mga pagkilala sa mga natatanging mga samahan at indibidwal, na nagsisilbing inspirasyon at tagapagtaguyod sa pagpapalawig ng programa at inisyatibong pangkooperatiba, na malaki ang naitutulong sa pag-unlad ng pamumuhay ng mga mamamayan sa iba’t ibang komunidad sa probinsya.
Unang kinilala sa programa ang mga mag-aaral na nagwagi sa idinaos na 13th Blast ng Koop Quiz Provincial-level noong ika-18 ng Oktubre 2024, na kinabibilangan nina Arien Mangundayao ng Kalayaan Christian School, Cuenca na hinirang bilang 1st Placer – Champion, Kobe Andrei Advincula ng Our Lady of Peace Academy, Tuy bilang 2nd Placer, at Carl Andrue Lagrisola ng Lian National High School, Bayan ng Lian bilang 3rd Placer.
Anim na mga Outstanding Cooperative Leaders and Managers naman ang sunod na binigyan ng parangal, kabilang dito sina Ruby Olaso ng Tulo Multi-Purpose Cooperative (MPC) sa Batangas City, Arminda Carandang ng Ibabao MPC sa Bayan ng Cuenca, Flora Ilagan ng St. Raphael Archangel Parish MPC sa City of Calaca, Cynthia Morada ng Limcoma MPC sa Lungsod ng Lipa, Celerino Patulot ng Mariposa Multi-Purpose Cooperative sa Bayan ng Balete, at Sherryl Hernandez ng San Jose Sico Landfill MPC sa Lungsod ng Batangas.
Muli ring isinagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas ang Magiting Koop Awards na nahati sa apat na bahagi. Sa hanay ng Cooperative Achievers, kinilala ang St. Raphael Archangel Parish MPC, Batangas Egg Producers MPC, Sandigan ng Maligayang Mamamayan ng Makina MPC , Padre Garcia Development Cooperative, United Labor Service Cooperative, at Batangas Transport Cooperative.
Kabilang naman sa mga binigyan ng rekognisyon bilang mga kooperatibang kinakitaan ng exemplary performance at accomplishment ang Bago (Ibaan) MPC, The Rosario Livestock and Agriculture Farming Cooperative, PKI Employees and Community MPC, LIMCOMA MPC, Matala Women’s MPC, OCVAS MPC, Lobo Agro Industrial Development Cooperative, Ibabao MPC, Mariposa MPC, Balakilong Credit Cooperative, F.I.T. MPC.
Sa kauna-unahang pagkakataon, itinanghal ng pamahalaang panlalawigan ang pagkilala sa 8 kooperatiba na namayagpag at napabilang sa Governor’s Cooperatives Circle of Excellence. Ito ay binubuo ng Tilambo MPC, SIBBAP MPC, Ibaan Market Vendors and Community MPC, Malalim MPC, San Isidro MPC, San Jose Sico Landfill MPC, Tulo MPC, at SoroSoro Ibaba Development Cooperative. Ang mga nabanggit na kooperatiba ay mapapalagay sa Wall of Excellence na matatagpuan sa tanggapan ng PCLEDO at inaasahang patuloy na madagdagan pa sa mga susunod na taon.
Naging pang-apat na parte naman ng Magiting Koop Awards ang pagbibigay ng rekognisyon sa mga katuwang o Top Contributors (CETF Remittance) ng Cooperative Union of Batangas (CUB). Kabilang dito ang Everlast Employees MPC, Sandigan ng Maligayang Mamamayan ng Makina MPC, SoroSoro Ibaba Development Cooperative, Bauan Doctors MPC, BHPI MPC, Lobo Agro-Industrial Development MPC, Bago (Ibaan) MPC, First San Jose Municipal Employees MPC, Batelec I Employees MPC, at Ibaan Market Vendors and Community MPC.
Sa naging mensahe ni Gov. Mandanas, sumentro ang punong lalawigan sa diwa ng pagkakaisa at pagtutulungan, na aniya ay tunay na kinakailangan sa panahon ngayon. Pinasalamatan din ng gobernador ang mga kooperatiba na nasa likod ng mas yumayabong at sumisigla pang sektor ng kooperatiba.
“Kayo ang tunay na halimbawa, tunay na nagpapakita na kinakailangan natin sa panahong ito ang pagkakaisa,” wika ni Gov. Mandanas sa mga nagsidalo.
Ipinunto naman ni PCLEDO head Celia Atienza na opisyal na ring pasisimulan ang fund drive, kaisa ang CUB at Provincial Cooperative Development Council (PCDC), na may layuning makalikom ng pondo para sa mga naapektuhan ng nagdaang Bagyong Kristine. Target umano ng nasabing fund-raising initiative na makakolekta ng ₱3 Milyon, na ayon sa gobernador ay maaaring tapatan o dagdagan ng pamahalaang panlalawigan, sa pamamagitan ng PCLEDO ng karagdagan pang ₱3 Milyon.
Ipinahayag din ni Gng. Atienza na kasama na sa rehabilitation plan ng probinsya, sa tulong ng kanilang tanggapan, ang pagsuporta at pagbibigay prayoridad sa mga kooperatibang naapektuhan ng nasabing kalamidad. Sa huli, ipinagmalaki ni Atienza sa mga partisipante, na ang “Batangas is an icon in the cooperative movement.” Matatandaan na sa termino ni Governor Mandanas, noong siya ay unang maging punong lalawigan, nabuo at naitatag ang tanggapan na mangangasiwa pagpapaunlad ng mga kooperatiba, proyektong pangkabuhayan, at negosyo.
Samantala, ilan pa sa mga naging aktibidad ng Culminating Activity ay ang presentation ng Cooperative Deveopment Authority (CDA) updates and advisories, CUB Coop Month Celebration 2024 activities, at pagtatampok ng mga booth kung saan bida ang iba’t ibang mga serbisyo at produkto ng mga kooperatiba sa probinsya.
Dinaluhan rin ang isinagawang pagtitipon nina Assistant Secretary Abdulsalam Guinomla ng CDA; PCDC Chairperson, Congressman Rico Geron; CUB Chairperson, Dr. Angelito Bagui; Vice Governor Mark Leviste; Committee on Cooperative, Livelihood, and Economic Enterprise Chairperson, 5th District Senior Board Member Claudette Ambida; at 1st District Board Member Armie Bausas.
✎: Mark Jonathan M. Macaraig/ 📷: Junjun De Chavez – Batangas Capitol PIO