2 SPES Beneficiaries ng DOLE Batangas at Pamahalaang Panlalawigan, Wagi sa Gawad Parangal

“PaiSTARan sa TALAibon” Parol Making Contest, Programang Hatid para sa Taal Evacuees
December 19, 2020
Taunang Budget ng Lalawigan ng Batangas para sa 2021, Aprubado Na
December 20, 2020

December 19, 2020

NATATANGING LINGKOD MAG-AARAL. Kinilala bilang Top 1 si Yuji Benedicto (kaliwa) mula sa Mataas na Kahoy at Top 3 si Gabriel America (kanan) ng Lungsod ng Lipa, pawang mga SPES beneficiaries at nagsilbing kinatawan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas sa isinagawang kauna-unahang “Gawad Parangal para sa Natatanging Lingkod Mag-aaral” na ginanap noong ika-7 ng Disyembre 2020 sa DOLE-Batangas New Building, Barangay Marawoy, Lipa City. ✎Mark Jonathan M. Macaraig – Batangas PIO/Photos: DOLE – Batangas

Mula sa kabuuang 688 na Special Program for the Employment of Students (SPES) beneficiaries ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa buong Lalawigan ng Batangas, dalawang nominado at nagsilbing kinatawan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas ang napabilang sa siyam na mga estudyante at out-of-school youth na nagwagi sa isinagawang kauna-unahang “Gawad Parangal para sa Natatanging lingkod Mag-aaral” na ginanap noong ika-7 ng Disyembre 2020 sa DOLE-Batangas New Building, Barangay Marawoy, Lipa City.

Kinilala bilang Top 1 si Yuji Benedicto mula sa Mataas na Kahoy at nahirang naman bilang Top 3 si Gabriel America ng Lungsod ng Lipa na kapwa 22 taong gulang at pawang mga naging bahagi ng SPES program ng kapitolyo ngayong taon sa pamamagitan ng Tanggapan ng Panlalawigang Tulong sa Pagpapaunlad ng Pamayanan (PACD).

Ang naturang parangal ay iginagawad sa mga SPES Beneficiaries na nagpamalas ng mataas na antas ng disiplina at pagpapahalaga sa programa at mismong sa kanilang naging responsibilidad bilang mga lingkod mag-aaral.

“Para po sa akin nakakataba po sa puso na maging bahagi ng SPES (as) I was able to showcase my skills,” ani Yuji na kasalukuyang nag-aaral sa University of Batangas – Lipa Campus.

Para naman kay Gabriel na isang estudyante ng Lipa City Colleges, ang pagiging parte ng programa ay nangangahulugan ng pagiging handa, na aniya ay malaki ang maitutulong para sa kaniyang pagtatrabaho sa hinaharap.

Matatandaan na nagsimula ang implementasyon ng SPES noong ika-24 ng Agosto at nagtapos ng ika-18 ng Setyembre, sa ilalim ng teknikal na pangangasiwa ng DOLE. Nakatanggap ang mga benepisyaryo ng kabuuang halaga na ₱10,062 kung saan 60% o ₱6,037.20 ay nagmula sa lalawigan at ang 40% o P4,024.80 ay nagbuhat naman sa DOLE.

Lubos namang ikinatuwa ni PACD Department Head at Provincial Public Employment Service (PPES) Manager Gng. Fredesvinda Mendoza ang nakamit na pagkilala at tagumpay ng dalawang benepisyaryo ng pamahalaang panlalawigan para sa taong 2020.

Ang SPES program, kahit sa panahon ng pandemya at makabagong pamamaraan ng pagtatrabaho, ay muling ipinagpatuloy ngayong taon sa adhikain ni Governor DoDo Mandanas na matulungan ang mga kabataang Batangueño na makapagtrabaho, kumita, at malinang ang kanilang kakayahan. Ito ay pagpapakita rin ng pagnanais na mas mapalawig pa ang mga proyektong tutugon sa serbisyong pang-empleyo para sa mga komunidad sa lalawigan.

Mark Jonathan M. Macaraig – Batangas PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry
1

Comments are closed.