18-Day Campaign to End Violence Against Women, muling binuksang ngayong taon

Pailaw sa Kapitolyo 2024: “Liwanang ng Pagkakaisa” bukas na muli sa publiko
November 25, 2024
Invitation to Bid – Goods (December 3, 2024)
November 27, 2024

November 26, 2024

Tampok ang temang “VAW Bigyang Wakas, Ngayon na ang Oras!,” isinagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas ang 18-Day Campaign to End Violence Against Women (VAW) noong ika-25 ng Nobyembre 2024 sa Provincial Auditorium, Capitol Compound, Batangas City.

Bilang panimula ng programa, nagbigay ng mensahe ang pinuno ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) na si Ginang Etheldrida Luistro, kung saan ibinahagi niya ang patuloy na pagsusulong ng layunin na mapataas ang kamalayan at inspirasyon para sa pagbabago upang mas maprotektahan at suportahan ang mga kababaihan.

Nakiisa at nagbigay rin ng mensahe si Governor DoDo Mandanas, na binigyang-diin na sa lalawigan ang mga kababaihan ay tunay na iginagalang at nagsisilbing simbolo ng bantayog ng liwanag. Gayun din, isinaad niya na nararapat lamang na pahalagahan ang buhay simula sa sinapupunan hanggang sa kanilang pagtanda.

Sa pangunguna ng PSWDO, katuwang ang kanilang mga local government counterparts, kinilala rito ang Outstanding Practices ng Local Committees on Anti-Trafficking and Violence against Women and Children (LCAT-VAWC) at Local Councils for the Protection of Children (LCPC).

Nakamit ang Highly Functional Performance rating ng mga LCAT-VAWC for CY 2023 ng San Jose (81%), Lungsod ng Sto. Tomas (82%), Talisay (84%), Taal (87%), Ibaan (92%), at Agoncillo (97.5%). 2024 Outstanding Awardees and Passers naman para sa Performance Year 2023 ang Tuy na umiskor ng 81.17% at Lungsod ng Sto. Tomas na may gradong 85.66%.

Tinalakay ng Resource Speaker, Department of the Interior and Local Government – Batangas Provincial Director Allan Benitez, ang assessment of LCAT-VAWC and LCPC na nagpapakita ng mga “best practices” na maaaring gamitin ng iba’t ibang bayan at lungsod sa lalawigan para magkaroon ng iisang basehan ng kasanayan.

Layunin ng kampanya na mapangalagaan ang karapatan ng mga kababaihan sa pamamagitan ng pagpapatibay ng mga panuntunan, na nakasaad sa 1987 Constitution, para labanan ang lahat ng uri ng gender-based violence.

Ipinaalala rin dito na sa pamamagitan ng Republic Act 10398 o An Act Declaring November 25 of Every Year as the National Consciousness Day for the Elimination of VAWC, ang mga ahensya ng pamahalaan ay inaatasang itaas ang kaalaman tungkol sa problemang ito upang mawakasan na ang lahat ng karahasan at pananakit sa mga kababaihan.

Dumalo rin sa pagtitipon sina Sangguniang Panlalawigan 3rd District Board Member, Atty. JP Gozos, at Agoncillo Mayor, Atty. Cinderella Valenton-Reyes.

Almira Elaine Baler / 📸 Francis Milla

Please follow and like us:
fb-share-icon
Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.