September 6, 2022
Binigyang-pagkilala ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pamamagitan ng Provincial Human Resource Management Office (PHRMO), ang 16 na kawani na nagpakita ng mabuting pakikitungo sa kani-kanilang mga tanggapan at nagkaloob ng magandang serbisyo sa mga kababayang Batangueño sa gitna ng kinakaharap na pandemya.
Iginawad ang nasabing mga parangal, bilang bahagi ng selebrasyon ng Civil Service Month tuwing Setyembre, kasabay ng pagpupugay sa bandila nitong Lunes, Setyembre 5, 2022, sa Regina R. Mandanas Memorial DREAM Zone sa Kapitolyo.
Personal na iniabot ni Gov. DoDo Mandanas, kasama ang board members ng Sangguniang Panlalawigan, ang sertipiko ng pagkilala at cash incentive, na nagkakahalaga ng ₱5,000, sa mga Magiting Awardees.
Sa naging mensahe ng ama ng lalawigan, ipinahayag niya ang kanyang kagalakan dahil marami sa mga empleyado ang nagpakita ng pagganap ng tungkulin na lampas pa sa inaasahan. Aniya, mahalaga ang bawat manggagawa sapagkat sila ang nagiging kabalikat ng pamahalaan sa pagtulong sa kapwa.
Ang pagkakaloob ng Magiting Awards 2022, na naipaganap sa pangunguna ng Program on Awards and Incentives for Service Excellence (PRAISE) Committee, ay kasabay sa paggunita ng ika-122 na anibersaryo ng Serbisyo Sibil sa Pilipinas, na may temang “Transforming Public Service in the Next Decade: Honing Agile and Future-Ready Servant-Heroes.”
Gian Marco Escamillas, Batangas Capitol PIO