11th Sandugo Awards, Ginanap

16 na Kawani ng Pamahalaang Panlalawigan, Ginawaran ng Magiting Award
September 6, 2022
Semi-Annual Meeting ng National Immunization Program, Muling Isinagawa
September 7, 2022

September 6, 2022

3 Bayan sa Batangas, Top Performers sa Blood Collection Accomplishment

DONATING BLOOD IS AN ACT OF SOLIDARITY: Nanguna ang Bayan ng Alitagtag sa mga Top Local Government Unit Performers na nakapagtala ng may pinakamatataas na blood collection accomplishment para sa taong 2021, sa isinagawang 11th Sandugo Awards na ginanap sa Provincial Auditorium, Capitol Site, Batangas City ngayong araw, ika-5 ng Setyembre 2022. Pinangunahan ang paggagawad ng pagkilala nina Governor DoDo Mandanas, tumatayong honorary chairperson ng Batangas Provincial Blood Council, at Provincial Health Officer, Dr. Rosvilinda Ozaeta, na siyang pangulo ng nasabing konseho, kasama ang mga kasaping miyembro ng blood council at mga kaagapay na ahensya ng pamahalaan. ✎Mark Jonathan M. Macaraig/Photo: MacVen Ocampo – Batangas Capitol PIO

Matapos ang dalawang taon ng virtual events dahil sa COVID-19 pandemic, matagumpay na naisagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pamamagitan ng Provincial Health Office at ng buong pamunuan ng Batangas Provincial Blood Council, ang muling pagdaraos ng face-to-face o on-site ceremony para sa ika-labing isang taon ng Sandugo Awards na ginanap sa Provincial Auditorium, Capitol Site, Batangas City noong ika-5 ng Setyembre 2022.

Sa pagsisimula ng programa, masayang ipinarating ni Provincial Health Officer at tumatayong pangulo ng blood council, Dr. Rosvilinda Ozaeta, na bagaman malaki ang naging epekto ng pandemya sa porsyento o target ng blood accomplishment ng probinsya, naabot pa rin nito at napanatili ang 100% accomplishment noong taong 2020, habang tumaas pa sa 105% noong 2021.
“Hindi po natin ito magagawa kung hindi po dahil sa effort ng bawat isa sa atin,” pagbibigay-punto ni Dr. Ozaeta, na sumasalamin sa commitment at suporta ng mga lokal na pamahalaan at active partners sa pagsasagawa ng mga blood donation programs upang maging bahagi ng tuloy-tuloy na adbokasiya nang sa gayon ay magkaroon ng sapat na suplay ng dugo ang probinsya, na magagamit sa mga pangangailangang medikal ng mga Batangueño.

Nagsilbing panauhing tagapagsalita naman si Dr. Maria Elena Gonzales, tagapamuno ng Local Health Support Division ng Center for Health Development (CHD) CALABARZON, kung saan sumentro ang kaniyang mensahe sa lubusang pagpapaganap ng Universal Health Care (UHC) Law, na aniya ay magiging daan upang magkaroon ng isang maayos na pagkakabalangkas na na pangkalusugang sistema, kabilang ang mga blood-related programs and services.

Ang naturang paksa sa UHC ang siya ring binigyang-diin ni Governor DoDo Mandanas, honorary chairperson ng Batangas Provincial Blood Council, na aniya ay patuloy na pinag-iibayo ng Batangas Local Health Board, na siyang nagsasagawa ng mga hakbang upang magkaroon na ng lubusang katuparan ang ganap na pagpapatupad ng UHC Law para sa epektibo at episyenteng mga benepisyong pangkalusugan.

Samantala, naging tampok na aktibidad ang pagkilala sa Top 3 Local Government Unit (LGU) Performers na pawang mga nakaabot at nalagpasan ang itinakdang target na 1% ng nakoletang dugo, batay sa kabuuang populasyon para sa taong 2021.

Nanguna rito ang Bayan ng Alitagtag na nakapagtala ng 231% na total blood collection accomplishment, at sinundan ng mga Bayan ng Nasugbu (221%) at Cuenca (153%).

Dagdag pa rito, binigyang-pagkilala ang ilang mga lungsod at bayan na itinanghal naman bilang Top LGU Achievers, kabilang ang Batangas City (141%), San Luis (104%), Lipa City (98%), Mabini (79%), Ibaan (69%), Balayan (66%), Calatagan (66%), Tanauan City (61%), San Nicolas (59%), Bauan (56%), at San Juan (54%).

Bukod sa natanggap na plake ng pagkilala, nagbigay rin ng cash incentive ang pamahalaang panlalawigan, tanda ng pasasalamat at pagsaludo nito sa mga nagsisilbing katuwang ng lalawigan sa pagsusulong ng Voluntary Blood Services Program.

Sa taong ito, naggawad din ng rekognisyon ang blood council ng ilang mga Municipal at City Health Officers, gayundin ng mga katuwang na organisasyon.

Taos-puso ang naging pasasalamat ni Gov. Mandanas sa lahat ng mga patuloy na nakikiisa at aktibong nakikipagtulungan sa pagpapaganap ng mga proyektong nakahanay sa aspeto ng kalusugan. Aniya, isa sa mahahalagang dapat tutukan ay ang pangangailangan sa dugo sapagkat ito ay nagpapakita ng magiting at nagkakaisang pagkilos sa pagliligtas at pagdudugtong ng buhay.

Hinikayat naman ni PEMSgt. Manuela Cueto, Chairperson ng Batangas Blood Council, ang bawat isa na maging masigasig sa pagpapataas ng kamalayan sa kahalagahan ng pag-aalay ng dugo upang mas dumami pa ang maging blood donors, nang sa gayon ay marami rin ang matulungan at masagip na buhay.

Naging kaisa rin sa ginanap na Provincial Sandugo Awards sina 2nd District Board Member at Sangguniang Panlalawigan Committee on Health Chairperson, Dr. Arlene Magboo, kasama ang mga kasaping miyembro ng Batangas Provincial Blood Council, at mga kaagapay na opisyal at kinatawan ng ilang mga lokal na pamahalaan, ahensya, at organisyon sa lalawigan.

Mark Jonathan M. Macaraig – Batangas Capitol PIO

Please follow and like us:
fb-share-icon
Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.